ALAM nating lahat na ang sobrang init ay maaaring makaapekto sa ating pisikal na kalusugan, ngunit may mga pananaliksik at ebidensya na nagpapakitang ang sobrang init ay maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa ating kalusugang pangkaisipan.
Mula sa pagtaas ng stress at pagiging mainitin ang ulo (nauuwi minsan sa road rage, hate speech, at mga pagtatalo tungkol sa trapiko), ang epekto ng tag-init sa ating mental health ay hindi maipagkakaila.
Ayon sa mga datos, ang bilang ng mga pagbisita sa emergency room dahil sa mga isyung may kinalaman sa mental health ay sumasabay sa pagtaas ng temperatura ng panahon. Maaaring makaapekto rin ang init sa ating pagtulog, mood, pagkabalisa, at depresyon.
May koneksiyon din ang sobrang init sa karahasan. Maraming tao ang “mainitin ang ulo” tuwing tag-init, na kung minsan ay nauuwi sa pagtaas ng mga kaso ng karahasan sa tahanan at iba pang uri ng alitan.
Ayon sa pananaliksik, lumalaki rin ang bilang ng mga insidente ng pananakit sa sarili tuwing mainit ang panahon—may 0.7% na pagtaas sa US at 2.1% na pagtaas naman sa Mexico. Natuklasan din ng parehong pag-aaral ang pagtaas ng “depressive language at suicidal ideation” na kaugnay ng pagtaas ng temperatura. Inihalintulad ng mga eksperto ang mga numerong ito sa insidente ng pagpapakamatay dulot ng kahirapan (poverty) at kawalan ng trabaho.
Syempre, mahirap ding tumuon sa mga gawain kung hindi sapat ang ating tulog dahil sa init. Ito ay nakakaapekto sa ating mood, sa ating gawain sa paaralan, at sa performance sa trabaho. Dagdag pa rito, hindi kasing tibay sa init ang mga taong may mental health issues, kumpara sa iba. Maaari ring hindi lubos ang bisa ng kanilang mga gamot dahil may kinalaman ito sa stress na nararamdaman dahil sa init.
(Itutuloy…)