ANG 2020 ay taon ng White Metal Rat. Sa madaling sabi, lahat ng magdiriwang ng ika-60 kaarawan ngayong taon ay susuwertihin. Panahon nila ngayon. Magsisimula ang taon ng puting daga sa January 25, 2020 at magtatapos sa February 11, 2021.
Pero ano nga ba ang suwerteng dala ng Year of the Rat? Yayaman ba tayo o magkakaanak, o makakakita ng trabahong malaki ang suweldo? Makakapag-abroad? Hindi natin masasagot ‘yan ng eksakto. May nakatalaga mang kapalaran sa atin, tayo pa rin ang magpapasiya kung kukunin natin ang suwerte o itatapon na lamang.
May dala ring suwerte ang metal rat sa iba pang Chinese zodiac signs tulad ng Ox, Tiger, Rabbit, Dragon, Snake, Horse, Sheep, Monkey, Rooster, Dog at Pig ngunit unahin natin ang Daga. Panahon nila ngayon at ito rin ang una sa listahan ng Chinese zodiacs.
Tulad ng nasabi ko na, suwerte ngayon ang mga isinilang sa year of the Rat. Papabor sa kanila ang mga pagkakataon, ngunit dapat pa rin silang magsipag, dahil hindi magandang umasa lamang sa suwerte. Opportunist ang mga daga at walang pinalulusot na pagkakataon, ngunit piliin sana nila ang mga taong pagkakatiwalaan.
Iba naman ang kapalaran ng Ox. Dapat silang mag-ingat sa kanilang mga desisyon. Masipag at matiyaga ang mga ipinanganak sa taon ng baka, ngunit ngayong taong ito, ibayong pagtitiyaga ang dapat nilang gawin dahil magiging mahirap ang haharapin nilang buhay. Mas makabubuting ngayon pa lamang ay ayusin na ang mga problemang napabayaan bago pa ito lumala ng tuluyan. Huwag mag-alala dahil lahat ng hirap na daranasin ng mga Ox ay mabibiyayaan. Hindi man sila suwertihin sa mga bagong proyektong ipatutupad ngayong taon, preparasyon lamang ito para naman sa suwerteng darating sa ibang araw.
Para naman sa mga Tigre, under control mo ang lahat ng sitwasyon kahit gaano pa ito kapalpak. Kasama rito ang iyong relasyon sa pamilya at mga mahal sa buhay, trabaho at kalusugan. Siguraduhing magtatrabaho kang mabuti ngayong taong ito, makikipagkaibigan sa mga bagong makakasama, at iiwasan ang mga taong kinaiinitan mo ng dugo upang hindi sila makaapekto sa iyong mga desisyon. Gawin mo ang dapat mong gawin ngayong taong ito, at huwag nang ipagpaliban pa. Pilitin mong magawa ang iyong best. Huwag kang umasa sa tulong ng iba hanggang maaari. Kaya mong maabot ang goals mo ng walang tulong ng iba.
Para naman sa mga Kuneho, magbubunga na ang mga pagsisikap mo noong mga nagdaang taon. Maging maingat at mapagmatyag. Mag-aral kung kinakailangan. Huwag mong aksayahin ang panahon at iwasan ang anumang uri ng stress. Medyo magkakaproblema ka sa love life ngunit kaunting reinvention lamang ang kailangan upang huwag itong masira. Ang 2020 ay taon para mas pagbutihin mo pa ang iyong sarili. Kailangan mo bang mag-practice sa English? Mag-aral sa TESDA? Gawin mo kahit ano upang madagdagan ang kaalaman mo. Gamitin mo ang iyong talino upang makapagdesisyon ng tama at upang maging produktibo ang taong ito para sa ito.
Kataka-takang tahimik at mapayapa ang 2020 para sa mga ipinanganak sa taon ng mga Dragon. Madalas, makakaramdam ka ng boredom o pagkasawa sa datihang ginagawa, pero kaunting excercise lang at kaunting pasyal ang kailangan mo para mawala ‘yan. Ituloy mo lang ang routine dahil mayroon iyang patutunguhan. Magkakaroon ka ng mga bagong kakilala at magiging busy ka sa kanila. Gayundin, magiging mas mabuti pa ang iyong relasyon sa mga kasamahan mo sa trabaho.
Sa mga ipinanganak naman sa taon ng Snake o ahas, pihadong magiging masaya ka ngayong taon. Malulutas mo ang mga problema at marami kang pagpipilian upang magtagumpay. Ngunit iwasan mo ang magpuyat ng sobra at alagaan mo rin ang iyong kalusugan. Kung wala ka pang karelasyon, malaki ang posibilidad na magkakaroon ngayon. Pumili ka ng tamang partner, at kung ang mapipili mo ay ang tamang tao, magiging masaya ka sa mahabang panahon.
Maganda naman ang kapalarang naghihintay sa mga taong isinilang sa Year of the Horse. Ito ang tamang panahon upang baguhin mo ang iyong sarili. Itapon mo ang masasamang gawi o bisyo. Magbigay ka ng panahon para sa iyong love life. At higit sa lahat, mag-ipon ka. Taon ito ng pagbabago at pagsubok sa mga bagay na dati ay kinatatakutan mong gawin.
Year of transformation ang 2020 para sa mga taong isinilang sa panahon ng mga Tupa (Sheep). Ito ang magiging buhay mo ngayon. Bagong lifestyle, bagong trabaho, at bagong karelasyon. Hindi ka mamomroblema sa pera kaya harapin mo ang mga hamon na positibo ang pananaw sa buhay, at agad mong makikita ang mga pagbabago sa iyong buhay.
Para sa mahaharot na Unggoy (Monkey), excited naman silang harapin ang mga pagbabago sa kanilang buhay. Magiging energetic sila, magkakaroon ng marami at bagong kaibigan, at magiging aktibong-aktibo ang social life, na halos nakikipagsabayan sa social life ng mga Daga. Wala ring seryosong problemang pangkalusugan ang darating, at maging ang kaperahan ay magiging maayos ang takbo. Kahit ang napili mong propesyon ay magiging maayos, kaya mag-enjoy ka.
Successful naman ang mga ipinanganak sa Year of the Rooster o panahon ng manok, ngunit magiging emosyonal ka sa iyong mga magiging relasyon, maging maganda man ito o hindi. Sa madaling sabi, extremes and kalalabasan ng mga relasyon mo. Either magiging masayang-masaya ka o palpak na palpak. Huwag mong hayaang madala ng emosyon ang iyong mga desisyon dahil makaaapekto ito sa iyong career o negosyo. Pagdating naman sa kaperahan, magpraktis ka nang magbadyet. Kakailanganin mo ang pera sa pagtatapos ng taon.
Bagong simula naman sa mga isinilang sa Year of the Dog. Magiging madali ang lahat kung bubuksan mo ang iyong isip sa mga pagbabago. Magiging mas madali ang buhay mo kung magiging open-minded ka. Susundan ka ng suwerte at kasaganaan sa iyong trabaho. Maraming oportunidad na magbubukas ngunit maging mapili ka kung saan ka mas magiging mas masaya at komportable.
And lastly, sa mga ipinanganak na Baboy, I mean, Year of the Pig, magiging produktibo at focused sila ngayong taong ito, mawawala ang katamaran, at maging ang love life at career ay magiging masaya. Masaya at maayos na taon ang naghihintay ngunit mag-ingat sa mga mumunting sakit tulad ng sipon, ubo at trangkaso na maaaring lumala kung mapapabayaan.
Ang sinulat po ng inyong lingkod ay batay sa pag-aaral ng mga eksperto sa feng shui ngunit maaari natin itong mabago, depende sa ating disposisyon sa buhay. Sabi nga ng mga scientists, “mind over matter.” Lahat tayo ay may makapangyarihang utak na kayang lumaban sa mga masasamang elemento. – (google photos chinese zodiac secrets)
Comments are closed.