ITO ay isang kasabihan sa mga tao na ayaw umamin sa isang kasalanan subalit nadulas sa pananalita na hindi sinasadyang pag-amin na siya ang may sala. Huli ka!
Ito ang nangyari kina Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate at dating Partylist Congressman Teodoro Casino. Sila ay dumalo sa pagdinig sa Senado nitong linggo tungkol sa mainit na isyu ng ‘red-tagging’. May isang dating kasapi ng New People’s Army (NPA) na nagsiwalat tungkol sa sabwatan ng ilang mga opisyal at miyembro ng militanteng grupo at komunistang grupo na kalaban ng ating pamahalaan. Nag-bigay ng mga pangalan ang nasabing dating miyembro ng NPA.
Ayon kasi kina Zarate at Casino, hindi nila kinikilalang kalaban ang Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front (CPP/NPA/NDF). Ito ang kanilang mariing sagot nang sila ay tanungin ni Sen. Panfilo Lacson na siyang chairman of the Senate national defense and security committee, kung handa ang Bayan Muna na tuligsain ang mga rebeldeng grupo at iba pang mga miyembro ng mga militanteng grupo na sumama sa NPA upang labanan ang ating goyerno.
Ha??? Eh, ano ang ibig sabihin ng sagot nina Casino at Zarate? Kung hindi ninyo sila kalaban, ano ngayon ang kaugnayan ninyo sa CPP, NPA at NDF? Ano ba ang kabaligtaran ng kalaban? Hindi ba’t kaibigan? Kung ganoon ay malinaw na kaibigan nila ang mga teroristang grupong na naghahasik ng lagim sa ating kanayunan. Sila ay tulad ng mga rebeldeng Abu Sayyaf na pumapatay ng ating mga kapulisan, sundalo, politiko at pati mga negosyante na ayaw magbigay ng tulong sa kanila. Kaaway sila ng ating estado.
Huwag na tayong magplastikan. Kayong mga militanteng mambabatas na nahalal sa House of Representatives, malinaw kung sino ang inyong kinikilingan at kung ano ang inyong idelohiya. Hindi man ninyo aminin subalit sa mga galaw at aksiyon ninyo, hindi kataka-taka na kaya ninyong magkanlong ng mga NPA. Mga komunista rin kayo!
Kitang-kita ang pagkagulat ni Lacson sa sagot nina Casino at Zarate. Alam naman natin na si Lacson ay dating hepe ng Philippine National Police at malaki ang karanasan niya sa kampanya, noong siya pa ay aktibo sa PNP, laban sa mga rebeldeng grupo. Pati si dating Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff General Hermogenes Esperon Jr., na kasalukuyang national security adviser, ay pinaalalalahan sina Zarate and Casino na kasama sila sa gobyerno bilang miyembro ng Kongreso. Ang kanilang sahod at ano mang mga pondo na nakukuha nila bilang isang mambabatas ay nagmumula sa badyet ng ating pamahalaan.
Kaya naman pala hindi kataka-taka na palaging bongga ang kanilang mga rally laban sa gobyerno. Makikita natin na kayang-kaya ng mga militanteng grupo na gumastos at gumawa ng mga dambuhalang effigy ng mga lider ng pamahalaan at susunugin din kinalaunan tuwing may mga malaking demonstrasyon sila. Kaya pa nilang umupa ng mga trak, magarang sound system at mga higanteng tarpolina. Nagbabayad din sila ng mga tao upang sumama sa kanilang mga rally. Wow! Sino naman kaya ang nagpopondo sa kanila? Nagtatanong lang po.
Comments are closed.