KABATAAN ang pag-asa ng bayan, alam na alam natin ang kasabihang iyan. Iyan ang sinabi ng ating bayani na si Dr. Jose Rizal. At ngayong araw, Hunyo 12, 2020, magbabalik-tanaw tayo, kikilalanin muli natin ang ating mga bayani at ang kanilang mga nagawa upang makamit natin ang Kalayaan. Kalayaang dapat nating ingatan at ipaglaban. Kalayaan na ang naging kapalit ay ang kanilang dugo’t hininga.
Kung titingnan natin o iisipin, parang ang tatanda na ng ating mga bayani lalo na kung ang pagbabatayan ay ang panahon ngayon. Ngunit kung babalikan natin ang mga pangyayari, kagaya ng mga kabataan ngayon, bata pa lamang din sila nang magdesisyong ipaglaban at mahalin ang ating bayan. Sa kabila rin ng kanilang kabataan, ginamit nila ang kanilang talento’t kakayahan upang maiparamdam kung gaano nila minamahal ang bansang Filipinas.
Kaya naman, narito ang ating mga bayaning nagbuwis ng kani-kanilang buhay para sa bansang Filipinas at maging sa mamamayan nito:
JOSE P. RIZAL
Bata pa lamang si Jose P. Rizal ay kinakitaan na siya ng angking katalinuhan. Hindi maitatangging ang kakayahan niya sa pagsusulat ang ginamit upang labanan ang mga Kastila.
Ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ang mga nobelang isinulat niya na naging tanyag. Inilarawan sa naturang obra ang kawalang katarungan, gayundin ang pagmamalupit na sinapit ng mga Filipino sa mga mananakop na Kastila, Ipinakita rin nito ang pag-ibig sa bayan at ang kahalagahan ng Kalayaan.
EMILIO AGUINALDO
Unang pangulo ng Unang Rebolusyonaryong Republika ng Pilipinas si Heneral Emilio Aguinaldo. Unang itinaas noong Hunyo 12, 1898 sa kanyang tahanan ang bandila ng Pilipinas. Ito rin ang araw kung saan ipinahayag ang Kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya.
APOLINARIO MABINI
Naging tagapayo naman ni Heneral Emilio Aguinaldo si Apolinario Mabini noong mga panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano. Ipinakita nito ang matibay na paninindigan sa kabila ng pagiging paralitiko at nagsulat ng sanaysay hinggil sa tungkulin ng mamamayan sa Diyos, sa bayan at kapwa-tao.
Tinawag siyang Utak ng Himagsikan.
ANDRES BONIFACIO
Si Andres Bonifacio naman ang siyang nagtatag ng Katipunan, samahan ng mga Katipunero. At ang mga katipunerong ito ay ang mga Filipinong lumaban sa Kastila gamit ang sandata o himagsikan.
MELCHORA AQUINO
Tinulungan naman ni Tandang Sora o Melchora Aquino ang mga Katipunero sa pamamagitan ng pagbibigay ng makakain at masisilungan. Ipinakita rin niya ang kanyang katapangan sa pamamagitan ng pag-aalaga sa mga sugatan at may sakit na Katipunero.
LAPU-LAPU
Si Lapu-lapu ang kauna-unahang pinunong Filipinong lumaban sa mga mananakop na Kastila. Pinamumunuan ni Magallanes ang unang pangkat ng mga Kastilang nagtangkang sumakop sa kapuluan. CT ARIGUMBA
Comments are closed.