ANG KALAYAAN AY PINAGHIHIRAPAN, HINDI MINAMANA – SEN. GORDON

SEN-GORDON

LUNGSOD NG MA­LOLOS – Nanawagan si Senador Richard Gordon sa lahat ng Filipino na tukuyin ang kanilang bahagi sa kalayaang kanilang tinatamasa sa ginanap na komemorasyon ng ika-120 ani­bersaryo ng deklarasyon ng Kalayaan ng Filipinas sa Simbahan ng Barasoain sa lungsod na ito.

Naniniwala ang tagapangulo ng Senate Blue Ribbon Committee at Senate Committee on Justice and Human Rights na maaaring piliin ang kalayaan at maa­aring magbahagi ang bawat Fi­lipino kung manga­ngako silang magkakaroon ng bahagi sa pagkamit ng hangarin ng kanilang minamahal na bansa.

“Sabi nga ni Rizal, nasa kabataan ang pag-asa ng bayan. Ngunit, nasa ating lahat ang pagtulak ng kinabukasan ng bayan. Nasa ating lahat, hindi lamang sa kabataan. Tayo mismo ang problema, tayo mismo ang solusyon,” anang senador.

Para sa kanyang bahagi, sinabi ni Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado na nagpapaalala ang komemorasyon hindi lamang ng pinakama­ningning na bahagi ng kasaysayan gayundin ng patuloy na kahalagahan ng kalayaan bilang hindi matatawarang regalo na ipinaglaban ng mga bayani.

“Tinatagos ng pag-asa ang kaibuturan ng kalayaan, sapagkat habang nananalaytay ang pag-asa sa ating puso’t damdamin, ay malaya tayong tugisin hindi lamang ang kaganapan ng ating indibiduwal na pagkatao o dili kaya ang ating mga nilulung­gating kaligayahan, bagkus ay makamtan din ang pag-angat ng kalagayan ng Filipinas bilang isang dakila, matiwasay, mapayapa at maunlad na ba­yan,” anang gobernador.

Naging sentro ng komemorasyon, na nagpatuloy pa rin sa kabila ng masamang panahon, ang pagtataas ng watawat at pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Hen. Emilio Aguinaldo. Nakaangkla ito sa temang “Kalayaan 2018: Pagbabagong Ipinaglaban, Alay sa Masaganang Kinabukasan” at nag-ing posible sa pagtutulungan ng National Historical Commission of the Philippines, Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at Pamahalaang Panlungsod ng Malolos.

Ang Araw ng Kalayaan ay isang taunang pambansang holiday sa Filipinas tuwing Hun­yo 12 bilang pag-alala sa deklarasyon ng kalayaan ng Filipinas mula sa Espanya noong Hunyo 12, 1898. A. BORLONGAN

Comments are closed.