SIGE. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang bansang Cambodia ang host ng 32nd Southeast Asian Games. Pagkatapos ng kanilang pinagdaanan, kung saan sinakop sila ng Khmer Rouge at mga diktador ng heneral, ngayon ay unti-unting gumaganda na ang ekonomiya ng Cambodia at handa na sila upang mag-host at ganapin ang SEA Games na isinasagawa kada dalawang taon.
Subalit may bumabalot na malaking kontrobersiya ngayon sa nasabing palakasan. Tila marami silang binago na rules sa iba’t-ibang sports event na masyadong papabor sa kanila.
Sa totoo lang, ito ang isa sa pinakamalaking debate sa SEA Games. Binibigyan kasi ng oportunidad ang sino mang host country ng magsagawa ng mga panibagong mga polisiya na pabor sa kanila upang mas malaki ang tsansa na humakot ng mas maraming medalya. Naging tradisyon na ito. Subalit tila sumobra at inabuso yata ngayon ng Cambodia.
EAT BULAGA
Nabulaga ang karamihan ng bansa na kasali sa SEA Games sa mga bagong polisiya ng organizing committee ng Cambodia. Tulad na lang sa larong basketbol. Anak ng tipaklong, halos mga banyaga na ang mga manlalaro ng koponan ng Cambodia. Naglabas sila ng polisiya na kapag may balidong pasaporte ng nasabing bansa ay kwalipikado ka upang maglaro para sa kanila. Huwaw!
Papayag ba ang ating Department of Foreign Affairs na magbigay ng Philippine passport sa isang banyaga ng basta basta? Hindi ba’t may proseso dapat na dadaanan ito? Bakit napakabilis makakuha ng Cambodian passport ang mga banyaga na kalahok ngayon sa SEA Games?
Hindi masarap namnamin ang tagumpay ng isang bansa sa isang international competition mula sa mga manlalarong banyaga. Marami tayong mga manlalaro na banyaga ang kanilang mga apelyido nguni’t may nananalaytay na dugong Pilipino sa kanila.
Ang NBA superstar na si Jordan Clarkson ay may dugong Pinoy dahil ang nanay niya ay Pinay. Ganito rin kina Christian Standhardinger, Stanley Pringle, Chris Newsome, Aaron Black, Marcio Lassiter at iba pang magagaling na basketbolista sa Pilipinas. Si Justin Brownlee at Ange Kouame ay naturalized Filipino, subalit dumaan sa proseso at inaprubahan ng ating Kongreso bago sila naging naturalizes Pilipino. Eh sa Cambodia? Ganito rin ba ang kalakaran sa kanila?
May magaling na basketbolista mula sa Cambodia ang napapa-iling sa ginawa ng organizing committee ng kanyang bansa. Bagamat lumaki sa USA, ang mga ninuno ni Joshua Bo Noung ay mula sa Cambodia. Naglaro siya ng high school basketball sa state ng Georgia at maraming alok mula sa US NCAA Division 1 level. “The fact that I’m watching players that have no heritage or as much pride for my Cambodian people like many like myself is disheartening and disappointing. I think it is a little too much for Cambodians and the other countries to swallow. I am a little embarrassed for Cambodians. Because this is not our way to resort to not giving our own people a shot at competing,” ang hinaing ni Bo Noung.
Ganito rin ang saloobin ng isang magaling na basketbolista ng Gilas Women’s team na si Jack Santo Tomas Animam.
Ang Gilas Women’s team ay kawawagi lamang ng gold medal sa 3 on 3 basketball kalaban ang Cambodia kung saan tatlo sa kanilang koponan ay mga banyaga at isang lokal na halos hindi naglaro ngunit hindi pa rin nanalo ng gintong medalya. “I think if there are going to be a lot of imports like these, the essence of the SEA Games will be gone. For me, the SEA Games is a venue to show the talents that you have in your country,” ang sinabi ng Animam matapos nila talunin ang Cambodia.
Si Animam ay isang professional basketball player na naglalaro sa Ligue Feminine de Basketball sa France. Siya ay tubong Malolos, Bulacan. Ang kanyang ama ay Nigerian at Pilipina ang kanyang ina.
Ganito rin ang isyu sa Gymnastics, Badminton, Table Tennis, Rowing at iba pang sports kung saan nakagawa ng paraan ang Cambodian organizing committee na bawasan ang pagasa ng mga humakot ng medalya ang mga bansang kilalang may malakas na koponan o manlalaro.
Tulad na lamang ni Gymnastic World Champion na si Carlos Yulo na maaaring makahakot ng 7 medalya dito sa SEA Games. Subalit nilimitahan ang mga events kung saan maaaring manalo ng gintong medalya si Yulo ayon sa bagong rules ng Cambodia.
Sana ay baguhin na nila ang maling ‘tradisyon’ ng SEA Games. Nagmistulang karnabal na hinaluan pa ng mga mga banyagang mersenaryo.