MARAMING paraan ng pagpapakita ng pagkamakabayan. Kabilang dito ang pagbibigay-pugay sa mga tao at bagay na naging kabahagi sa pagguhit ng ating kasaysayan. Nakalulungkot lamang isipin na mayroon tayong mga kababayan na tila nakalilimot na sa tunay na diwa ng kabayanihan at sakripisyo ng ating mga ninuno na maging ang kanilang mga alaala ay nalilimutan nang bigyang halaga.
Kamakailan lamang ay napabalita ang pagkakadakip sa mga manonood sa isang sinehan sa Batangas dahil sa hindi nila pagtayo at pagbibigay galang sa pambansang awit ng Filipinas na karaniwang pinatutugtog bago magsimula ang pelikula. Napakasimpleng paraan lamang sana ng pagpapakita ng paggalang sa bansa subalit hindi nagampanan ng ilan nating kababayan. Higit pang nakapanlulumo kaysa sa balitang ito ang pagkakasubasta nitong nakaraang linggo lamang ng orihinal na bandilang iwinagayway ni Gat Andres Bonifacio noong panahon ng rebolusyon kasama ang iba pang mahahalagang dokumento at kagamitan ng mga kasapi ng Katipunan na naipagbili sa mga pribadong mamamayan. Ilan ding mga kagamitan at akda ng magkapatid na Antonio at Juan Luna, Dr. Jose Rizal, Josephine Bracken, at Emilio Aguinaldo ay kasama ring naisubasta.
Nakagugulat ang halaga ng mga nabentang kagamitan na kung tutuusin ay hindi dapat ipagbili sapagkat ito ay pag-aari ng pamahalaan ng Filipinas at ng sambayanang Filipino. Bakit kailangang pagkakitaan ang mga mahahalagang bahagi ng ating kasaysayan na sumisimbolo sa mga adhikaing ipinaglaban ng ating mga ninuno upang makamit ang kalayaang ating tinatamasa ngayon?
Dapat na magkaroon ng batas na magbabawal sa pagbebenta at pagbili ng mga historical artifacts at magpapataw ng matinding parusa sa sinumang lalabag dito.
Sa mga ‘di pangkaraniwang akda at kagamitang ito ay ibinuhos ng ating mga bayani ang kanilang lakas, talino at panahon upang mabigyang-buhay ang pagmamahal sa bansa. Walang anumang halaga, sa aking palagay, ang makatutumbas sa kanilang pag-aalay ng buhay para sa kasarinlan ng bayan. Nararapat lamang na ang kanilang mga alaalang nananatili sa kanilang mga akda at gamit ay mabigyang-pugay at halaga ng mga tulad nating nakinabang sa kanilang sakripisyo.
Iminumungkahi ko na ang lahat ng mahahalagang kagamitan at kasulatan na naging bahagi ng ating kasaysayan ay mailagak sa pangangalaga ng National Commission for Culture and the Arts at maging bahagi ng koleksiyon ng National Museum.
Sa ganitong paraan, masisiguro ang pagpapanatili ng pangkasaysayang kahalagahan o historical value ng mga nabanggit. Gayundin, maipakikita at maipauunawa sa ating mga kabataan na ang pagpapahalaga sa alaala ng ating kasaysayan, higit sa diwa ng pagpapakasakit ng ating mga bayani, ay pamamaraan upang maipamalas ang kanilang pagkamakabayan.
Comments are closed.