ANG KATAPATAN SA DIYOS

MASAlamin

MALALAMAN ng bawat tao kung ano talaga siya kapag siya ay nag-iisa. Ang pinakatunay na sarili ay masusumpungan sa pagkakataon ng pag-iisa.

Nakikita ng Panginoon ang lahat, ang lakas at kahinaan ng bawat tao. Walang maitatago. Ang pinakamagaling man magsinungaling ay hindi makapagtatago sa Langit. May katapat ang lahat ika nga.

“Ang nabubuhay sa tabak ay mamamatay sa tabak,” wika ni Hesus. Sino nga ba ang makapagtatago ng kanyang krimen? Wala. Nakatutok ang mga mata ng Langit sa bawat nilalang, walang detalye na nakawawala.

Maging ang mga nagpapanggap na mga pastol umano ng mga tupa ng Diyos ay hubad sa paningin ng Langit, sapagkat bunyag ang puso kahit pa takpan ng patong-patong na habito.

Bakit nga ba kaila­ngan ng bawat tao na maging mabuti? Sapagkat ‘yang kabutihan ang kaaya-aya sa mga mata ng Diyos at ang kasamaan ay Kanyang kinasusuklaman. Ang talino ng tao ay inilandas lamang siya sa pagkakalito, dahil paano nga ba iwawasto ang isang kasinungalingan ng isa pang kasinungalingan? Hangga’t ang mga landas ay magkawing-kawing, magkabuhol-buhol, ang mga lagusan ay paparoo’t paparito ng walang hanggang walang pagkakara­tingan dahil ligaw.

Nagagamit ang pa­ngalan ng Diyos sa negos­yo, nagiging pagkakakitaan ang relihiyon sa pangako nitong papawiin ang pagka-uhaw ng mga kaluluwa. Ngunit walang pagkatuto, walang liwanag na matanaw, walang pagkakaratingan, dahil inililigaw pang lalo sa pagkakabuhol-buhol na mga landasin ng bulag na pastol.

Ang pag-ibig ay pinalitan ng libog, ang pananampalataya ay pi­nalitan ng paghahangad ng kapangyarihan at ka­yamanan, ang mga parang ay lalo lamang pinuno ng tinik at ang mga burol ay umaalingawngaw ng mga pangalan ng mga nangamamatay.

Hindi talos ng isip ang Henyo ng Sangkalikhaan. Puso sana, ngunit masyado nang dinumihan ng paghahangad at panglalamang sa kap­wa tao.

Hindi sana sa tao, kundi sa Diyos naka­tuon ang mga mata. Isang bilyonaryong kaibigan bago siya binawian ng buhay ay nagturan sa akin, “Kaibigan, hindi pala sa tao dapat nakatuon, dapat sa Diyos lamang dahil sa Kanya ay ang buong kaluwalhatian.

Mahirap man o ma­yaman ay pareho lamang sa harap ng Panginoon, sa puso nakatingin ang Diyos at hindi sa ganda at hugis ng mga nilalang.