KAMAKAILANG ay may nabasa ako sa internet tungkol sa kaugnayan ng pagtanda sa ating ekonomiya.
Ayon sa ilang mga pag-aaral tungkol sa bagay na ito, kung tutugunan umano ang mga isyung kaugnay ng pagtanda ng tao ay makakatulong ito upang mapalago ang ekonomiya. Nais ng tao na mabuhay nang malusog sa kanilang pagtanda, ngunit maaaring hindi na nila gustuhing mabuhay nang mahaba kung puro sakit din lang naman ang kanilang kahaharapin sa huli.
Ipinapakita rin ng mga pagsisiyasat na handang magbayad ang tao ng trilyun-trilyong dolyares makapagdagdag lamang ng isang malusog na taon sa kanilang buhay. Alam naman nating malaking butas sa bulsa ang nililikha ng pagkakaroon ng maraming sakit, lalo na sa huling mga taon ng ating buhay. Sa Amerika, halimbawa, ang isang taong nasa sisenta anyos pataas ay maaaring gumastos ng mula USD142,000 hanggang USD176,000 para sa long-term care kapag kinailangan niya ang mga serbisyong ito. Kung ating kukuwentahin ang gastos ng lahat ng taong nangangailangan ng alagang nabanggit, magkakaroon tayo ng ideya kung gaano kalaki ang epekto ng usaping ito sa ating ekonomiya.
Ito marahil ang dahilan kung bakit patok na patok ang tinatawag na wellness revolution at mga industriya sa ilalim nito. Sa ngayon, isa na itong multi-billion dollar industry, at patuloy pa itong lumalago. Kitang-kita nating hindi na lamang kalusugan ang hanap ng tao ngayon, ayaw na rin nilang tumanda. Marami pa rin ang naghahanap hanggang ngayon ng tinatawag na “fountain of youth”.
Sa Miyerkoles, abangan ninyo ang ilang mga tips para sa pagpapahaba ng buhay, pagpapabagal nang bahagya sa pag-ikot ng orasan, at pagpapanatili ng kalusugan ng ating isip at katawan.
(Itutuloy…)