(Pagpapatuloy…)
Puwede nating gawin ang mga aprubado at napatunayan nang mga paraan upang manatiling malusog at upang makatipid na rin tayo ng salapi. Halimbawa, ang pag-eehersisyo, pag-gagardening, at iba pa. Ang mga aktibidad na ito ay hindi lamang maganda para sa ating mga katawan, kundi pati na rin para sa ating mga isipan. Kailangan natin ito lalo na ngayong humaharap tayo sa napakaraming krisis sa kalikasan, pulitika at seguridad, pampublikong kalusugan, at iba pa.
Bukod pa sa ehersisyo, ang paglayo mula sa internet ay isa sa mabubuting self-care tool na maaari nating magamit upang humaba ang ating buhay. Tandaan, totoo ang “headline stress disorder”—ito ay ang stress na nararamdaman natin dulot ng masasamang balitang nababasa o napapanood natin.
Mas sensitibo ang iba sa mga balitang ito kaya’t hindi malayong mangyaring ma-stress nga sila dahil sa masasamang balita.
Ang iba naman ay nais na lumayo sa gulo sa pamamagitan ng paglipat ng tahanan sa probinsiya o mga lugar sa labas ng siyudad, kung saan grabe ang trapik, polusyon, at ingay. Ipinapakita rin ng mga pananaliksik na nakatutulong sa pagpapahaba ng buhay ang tamang pagpili ng lugar na ating titirahan.
Mas mainam nga namang mag-retiro sa isang farm, malapit sa beach, o sa tahimik na tahanan sa probinsya ang ating mga senior citizen.
Base sa mga usaping natalakay sa kolum na ito ngayon at noong Lunes, may kaugnayan nga ang ating ekonomiya sa pag-eedad o pagtanda ng populasyon.
May kaugnayan din sa pagtanda ang iba’t-ibang industriya, hindi lamang ang larangan ng medisina at kalusugan, kundi pati na ang real estate, pamumuhunan at negosyo, telekomunikasyon, at iba pa.
Ngunit ang lahat na ito ay pahapyaw na pagtalakay lamang sa isang malawak at malalim na paksang pang-ekonomiya.