ANG LAGAY NG EKONOMIYA | Pilipino Mirror Pilipino Mirror
atty rojas

ANG LAGAY NG EKONOMIYA

BUMAGAL nitong Marso ang implasyon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). Ang antas nito ay nasa 3.3% sa nasabing buwan. Ang numerong ito ay ang pinakamababang antas simula noong Enero ng nakaraang taon.

Ayon pa rin sa PSA, malaki ang kontribusyon ng pagkain at non-alcoholic na inumin (3.4%), pati na rin ang alak o alcoholic beverages at sigaril­yo (10.8%), sa pagbaba ng implasyon. Nakita rin ang pagbabang ito sa sektor ng pabahay kasama na ang utilities (3.4%), kalusugan (3.9%), komunikasyon (0.3%), restawran at samu’t saring serbisyo at kalakal (3.7%).

Ayon naman sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang pagbagal o pagbaba ng antas ng implasyon ay bunsod ng mababang presyo ng bigas at iba pang produktong pang-agrikultura. Habang mababa ang implasyon, naranasan pa rin nitong Marso ang pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo at ng koryente.

Nakikinita rin ng mga eksperto na makaaapekto ang mahabang tag-init sa antas ng implasyon. Mayroong El Niño sa taong ito kaya binabantayan ng administrasyon ang sektor ng agrikultura upang siguruhing mayroong pagkain para sa mga mamamayan sa kabila ng tagtuyot.

Maganda pa rin ang balita mula sa Asian Development Bank (ADB) na nagsabing kumpara sa ibang bansa sa rehiyon, isa ang Filipinas sa inaasahang magkakaroon ng mas mataas na antas ng GDP kumpara sa nakaraang taon. Kabilang ang Brunei at Myanmar sa listahan ng mga bansang ito na inaasahang magpapakita ng pag-unlad ngayong 2019 kumpara sa 2018. Nasa 6.2% ang GDP ng bansa noong 2018. Ayon sa ADB, maaaring tumaas ito sa 6.4% sa pagtatapos ng 2019.

0

POST A COMMENT

Your email address will not be published. Required fields are marked *

ADS