ANG LAKAS NG MARAMI

ISA sa mahahalagang bagay na ating mapapansin tungkol sa isinasagawang writers’ strike sa Amerika ay ang katotohanan na ang paglikha o pagkamalikhain at karaniwang nagsisimula sa manunulat at ang iba pang miyembro ng industriya ay hindi makakapagpatuloy kung wala ang mga salita sa pahina. Ito mismo ay sinabi ni Mercedes, isa sa mga manunulat sa California na nakikibahagi sa nagaganap na welga.

Ang mga nakakatuwang host at magagaling na artista na ating hinahangaan ay mga hungkag na personalidad sa ating mga monitor kung wala ang mga salitang ibinigay sa kanila ng mga manunulat, kasama na ang mga ideya at konsepto para sa pelikula o palabas na kadalasa’y nagmumula rin sa manunulat.

Bukod pa rito, madalas ding maipagwalang-bahala dito sa Pilipinas ang katotohanan na mas malaki ang posibilidad na marami sa mga kahilingan ng mga manggagawa ay maipagkaloob kung sama-sama ang mga humihiling bilang komunidad o malaking grupo. Sa kasong ito, ang indibidwal na boses ng manunulat sa Amerika ay lumakas nang sila ay magsama-sama bilang Writers’ Guild of America (WGA).

Mas malakas ang nagkakaisang mensahe at mas pinalakas pa ng suporta ng mga hindi miyembro ng WGA—ang mga host, producer, musician, artista, at iba pa. Kahit ang mga simpleng manonood ay nakikiisa sa pamamagitan ng panonood ng mga palabas na nagsusulong ng tamang polisiya para sa manggagawa.

Ang WGA ay isang alyansa ng dalawang unyon na kumakatawa sa higit 11,000 na manunulat sa film, TV, news, radio, at online spaces. Karamihan sa kanila ay nagsusulat ng script para sa pelikula, TV, podcast, streaming shows, late night shows, at iba pa.
(Itutuloy…)