ANG LAKAS NG MARAMI

(Pagpapatuloy…)
TANGGAP  na tanggap ang mga guild at unyon sa Hollywood. Ang mga talent doon gaya ng mga manunulat, artista, modelo, miyembro ng crew, at iba pa ay naniniwalang mas malakas ang kanilang boses sa pakikipagnegosasyon kung sama-sama sila bilang isang malaking grupo. Bukod pa rito, buhay rin ang kultura ng pagkakaisa sa lugar na ito. Kahit hindi mga direktor at artista ang nakawelga sa ngayon, sumusuporta sila at kumikilos upang kapag dumating ang panahon na sila naman ang nakawelga ay susuportahan din sila ng ibang mga sektor. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit madalas nilang makuha ang mga kahilingan pagdating sa larangan ng paggawa.

Noong 2007-2008 nang maglunsad ng malaking welga ng mga manunulat sa Amerika, huminto sa loob ng higit tatlong buwan ang produksyon ng mga palabas na gumagamit ng mga script na isinusulat ng mga welgistang manunulat. Nasa 2 bilyong dolyar ang nalugi sa mga kompanya noong panahong iyon. Sa kasalukuyan, inaasahan ng mga eksperto na maaaring mas malaki pa ang magiging pagkalugi ng mga korporasyon sa industriyang ito dahil sa kasalukuyang nagaganap na welga ng mga manunulat.

Dahil sa pamamayagpag ng mga streaming companies na gaya ng Netflix at Disney, malaki ang tubo ng mga production companies sa likod ng mga ito nitong mga nagdaang taon. Sa kasamaang palad, hindi sumabay sa pagtaas ang mga sahod dahil sa mga hindi makatarungang polisiya sa kontrata at istruktura ng paggawa. Ayon sa Writers Guild of America (WGA), nasa 23 porsiyento ang ibinagsak ng kita ng mga manunulat sa loob ng nagdaang dekada.

Kaya’t noong ika-2 ng Mayo 2023, nagpasya ang mga miyembro ng WGA na maglunsad ng isang welga. Nag-picket sila sa harapan ng mga opisina ng malalaking studio gaya ng Netflix, Amazon, Warner Bros., Universal Studios, Paramount, Sony, NBC Universal, Apple, at Disney. Kapag nagpatuloy itong welga, mapapansin na ng mga manonood ang kawalan ng bagong content ng kanilang mga paboritong palabas sa darating na mga araw at linggo. Sa ngayon, ang mga apektadong show ay gumagamit na lamang ng mga nakareserba o nakabangkong episode.