ANG LIKUM SANG PANAY

WALA  kaming ibang sadya kundi magkasama-sama bago magkani-kaniya muli nina Ellay, Psalma, Wika’t Sulat.

Pero parang Lakbal-Aral pa rin ang nangyari dahil ang daming salita naming natutuhan sa host naming psychiatrist na si Dr. Kathryn Beluso na inanyayahan din sina Winnie Dorego at Jellete Java.

Unti-unting ibinunyag niya ang lihim ng Panay mula sa Roxas City.

Mulang The Edge na pag-aari ng chef na nurse ni Nick Fedelicio Dolendo na nag-serbi ng lato, kilawing tanigue, crispy pantat in green mango salad, special egg omelette, cagaycay shell in Thai curry, at special alupe.

Natagtag kami sa pag-akyat sa Light House.

Habang naglalakad narinig namin ito:

TURISTA 1: “Bakit ang dumi dito di ba may coast guard lang sa baba?”

TURISTA 2: “Trabaho ba nila ang mamulot ng basura?”

Lumipat kami sa Alcatraz Ruins.

Binalak daw ng may-aring Pamilya Bermejo na gawin itong resort na may resto. Dahil kay Yolanda natigil lahat. Hanggang ngayon, kahit walang infinity pool na nakaharap sa dagat, ipinapaalala pa rin nito ang pagkakahawig sa dating Federal Penitentiary sa San Francisco.

Tinakasan namin sa lungkot ng lugar.

Panandaliang pinasaya ito ng mga batang naggigiya, nagkukuha, at namamalimos.

Kabaliktaran ang kaligiran nang dinala kami sa Solina Beach and Nature Resort sa Carles, Iloilo.

Ito raw ang “The First and Only Premier Gateway to Islas de Gigantes.”

Ulan — mula tanghalian hanggang hapunan — ang namagitan sa Amaretto at awitan sa Angga na nakahanda para sa sorpresang birthday song at cake sa aming panganay.

Sa gabi, ginulat kami ng galing ng mga masahistang nagpaalala ng aming pagod at puyat!

Pagka-almusal, heto na ang Gigantes Islands!

Sa tulong ng mga Carlesanon, naglayag kami.

Una, sa Cabugaw Gamay na mas kilala bilang Selfie Island.

Ikalawa, sa Bantigue Island Sandbar na naghain din ng lato at kilawing tanigue subalit dinagdagan ng sea urchin, scallop, saang, wasay-wasay, at iba pang sigay na inilalako ng mga supling ng pulo!

Ikatlo, sa Antonia Beach kung saan kami nakatikim ng kakaibang mais con yelo na tampok sa package tour ng sari-saring grupong dumayo mula sa iba’t ibang lalawigan.

Ikaapat, sa Tangke Saltwater Lagoon na dinaanan lamang namin.

Ikalima, sa Pulupandan Islet na hindi namin nakita.

Pabalik, dapat daw naming matikman ang pinakamasarap na squid rings kaya bumili kami sa palengke ng Estancia, Iloilo ang “Alaska of the Philippines.”

Matapos ang magdamag sa Alunsina Hotel, tumulak kami sa District 21 Hotel sa Iloilo.

Saka kami dumiretso sa Iloilo River Wharf para tagpuin namin si Dr. Donnabelle Quindipan para ihatid kami sa Guimaras!

Nag-mango pizza muna kami sa The Pitstop habang papuntang Trappist Monastery para sa pasalubong at Charle’s para mananghalian.

Target namin ang Nature’s Eye.

Hindi kami makapaniwalang ganito kaganda rito kapag takipsilim at bukang-liwayway.

Kaya nagtampisaw kami.

Ayaw pa naming umuwi kaso dapat daw dumaan sa The Mango Island Café para sa dragonfruit shake.

Hindi kumpleto ang bakasyong ito kung wala si Dr. Japhet Fernandez de Leon nasa naghihintay sa Tatoy’s.

Kahapon, kinumpirma ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na mayroong red tide sa Panay Island.

Hesusmaryahusep!