ANG MABILIS NA PAGBANGON NG PHILIPPINE TOURISM

NITONG huling dalawang taon, nakita natin ang muling pagbangon ng ating turismo. Matatandaan na isa ang industriyang ito sa pinadapa ng pandemya na naging dahilan upang lumamya nang husto ang ekonomiya ng iba’t ibang bansa, kabilang ang Pilipinas.

Sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority o PSA sa kanilang 2023 Philippine Tourism Satellite Accounts Data, lumalabas na ang sektor na ito ang nakapagtala ng pinakamataas na growth rate.

Ibinabase ng PSA ang paglalabas ng mga datos na ito sa Tourism Direct Gross Value Added (TDGVA), kung saan noong 2023, umabot sa 8.6% (GDP) ang naibahaging lakas ng TDGVA sa ekonomiya ng Pilipinas.

Nabatid na noong nakaraang taon ay umakyat sa P2.08 trilyon ang TDGVA o 47.9 percent growth mula sa P1.41 trilyong naitala nito noong 2022.

Ang ilan sa nagpalakas sa turismo, base sa Tourism Satellite Account ng PSA ay ang accommodation services, food and beverage serving activities, transport services, travel agencies at iba pang reservation services. Nariyan din ang entertainment and recreation services, shopping and miscellaneous services.

Ang kinita naman ng sektor sa inbound tourism o ang pagpasok ng mga dayuhang turista sa bansa  ay umabot sa P697.46 bilyon o pumalo sa 87.7 percent growth rate. Ang domestic tourism expenditure naman ay lumago ng 72.3 percent o kumita ng P2.67 trilyon.

Talagang pansin na pansin natin ang napakabilis na pagbangon ng ating turismo dahil sa sipag at tiyaga ng Department of Tourism sa pangunguna ni Tourism Secretary Christina Frasco na maipakilala sa iba’t ibang panig ng mundo ang Pilipinas. Congratulations po sa inyo, Sec!

Ngayong taon naman, sa unang apat na buwan, nakapag-ulat ang DOT ng pagdagsa ng mahigit 2 milyong turista sa Pilipinas. Unang apat na buwan pa lamang ‘yan sa target ng sektor na makapagtala ng 7.7 million arrivals bago matapos ang taon.

So, saan galing ang datos na nagpapakita ng increased tourist arrivals?

Una, dahil sa matiyagang promotion campaigns at marketing ng DOT na lalo pang pinalakas ng partners nito. Pangalawa, ang visa-free entry para sa mga dayuhang mula sa 157 countries na binigyan ng ganitong pribilehiyo.

Sinisikap din ngayon ng DOT na ma-streamline ang pag-i-isyu ng mga visa para sa cruise travellers, matapos tayong makapagtala ng pagtaas sa cruise arrivals noong 2023 na umabot sa 101,573 passengers. Isa ang cruise arrivals sa tinitingnang pinakamahalagang aspeto ng turismo sa kasalukuyan. At bago nga natapos ang buwan ng Mayo, umabot pa sa 123,042 pasaherong sakay ng cruise ships ang bumista sa Pilipinas.

Kung ganitong tuloy-tuloy ang pagtaas ng ating tourist arrivals, dapat, siguruhin ng gobyerno na magiging maganda at masaya ang karanasan ng ating mga bisita. Ano-ano ba ang puwedeng makapagpasaya sa mga turista? Siyempre, isa d’yan ang magandang airport na walang kontrobersyal na problema tulad ng sirang air-conditioning systems, mga lumang kagamitan, at nito ngang mga huling buwan, pagdagsa raw ng mga daga at ang pagkakaroon ng surot sa mga upuan. Umaasa tayo na sa tulong ng pribadong sektor ay maaayos ang mga  problemang ito sa mga lumang paliparan at makapagpatayo ng mga bago.

Problema rin hanggang ngayon ang transportasyon dahil nga wala pa tayong high-speed rail system na mabilis na makapagbibiyahe ng mga pasahero, lalo na ‘yung malalayo ang destinasyon. Kung may ganito sana tayong transport system, mas marami pang dayuhan ang maipapasyal natin sa mga naggagandahang lugar sa Pilipinas at tiyak na makatutulong pa ito sa kabuhayan  ng mga probinsyang ‘yan. Pero dahil nga sa napakabagal na land travel natin, hindi ito madalas na nagagawa.

Nito ring 2023, nakapag-ulat ang DOT ng kabuuang P509 billion tourism investments. Ibig sabihin, tumaas ng 34 percent sa record nito noong 2022. Ang pinakamataas na factor dito, ayon kay Sec. Frasco, ay ang accommodation sector na lumaki ng 51% sa kabuuan.

Hindi natatapos dito ang patuloy na paglago ng ating turismo. Sa walang patid na pakikiisa at pakikipagtulungan ng private sector partners ng  DOT, pasasaaan ba’t isang araw ay kaya na rin nating  makipagtagisan ng ganda sa mga pinakasikat  na tourist destinations sa iba’t ibang bahagi ng globa.