ANG MAHABANG KASAYSAYAN NITONG GUSALI

NAGULANTANG tayong lahat nang mabalitaan nating nasunog ang gusali ng Manila Central Post Office sa Lawton, Lungsod ng Maynila.

Napaka-iconic ng gusaling ito at hindi maaaring hindi mapansin ng sinumang dadaan sa lugar na nabanggit.
Mayaman din ang kasaysayan ng gusali na nagsimula noong taong 1920 nang ibaon ang unang pundasyon nito.

Natigil ang pagpapatayo noon dahil sa kakulangan ng pondo ngunit natapos din ang gusali pagkatapos ng higit walong taon. Isang milyong piso umano ang gastos sa pagpapatayo nito.

Sina Juan M. Arellano, Tomas Mapua, at Ralph Doane ang nagdisenyo ng orihinal na gusali. Kaya lang, nasira ito noong World War II. Inayos itong muli noong taong 1946 at pinilit na masundan ang orihinal na disenyo ng gusali.

Itinayo ang gusali malapit sa Pasig River dahil ayon sa plano, maaaring gamitin ang ilog para sa mabilis na pagde-deliver ng mga sulat. Bukod pa rito, maaaring mapuntahan ang post office mula sa apat na lugar na nakapalibot dito: Quiapo, Binondo, Malate, at Ermita. Nagsimula ang postal service sa bansa noong panahon ng Kastila. Kabayo ang gamit ng mga mailman sa paghahatid ng mga liham.

Noong 2018, idineklara ng National Museum of the Philippines na “important cultural property” ang Manila Post Office building. Dahil dito, makatatanggap ito ng pondo mula sa gobyerno para sa “protection, conservation, restoration”.

Usap-usapan din na may itatayong hotel sa lugar nito, ngunit siniguro ng pamahalaan ng Maynila na itatayong muli ang gusali. Tutulong sa pagbangon ng gusali ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA).