NAGKAROON na ng liwanag ukol sa Maharlika Investment Fund (Senate Bill 2020).
Napabilis kasi ang pag-usad nito sa Senado.
Katunayan, aprubado na ito sa ikatlo at huling pagbasa sa mataas na kapulungan.
Nabatid na 19 na senador ang bumotong pabor habang isa ang tumutol sa katauhan ni Senadora Risa Hontiveros.
Nag-abstain naman sa botohan si Senadora Nancy Binay habang wala sa sesyon sa oras ng botohan sina Senate Minority Leader Koko Pimentel, Senadora Imee Marcos at Senador Chiz Escudero.
Naging malinaw ang mga pagbabago sa MIF bill tulad ng pagbabawal sa Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance (PhilHealth) corporation, Pag-IBIG, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Philippines Veterans Affairs Office (PVAO) na mag-invest sa sovereign fund.
Bukod sa good news na pagkakalusot ng MIF bill, may magandang balita rin sa lower house.
Pasok na kasi bilang bagong miyembro ng Kamara si dating DSWD Sec. Erwin Tulfo matapos manumpa sa harap ni House Majority Leader Mannix Dalipe na sinaksihan ng kanyang pamangkin na si Rep. Ralph Tulfo.
Kung matatandaan, nag-resign si dating ACT-CIS representative Jeffrey Soriano noong Pebrero kaya pinalitan ito ni Tulfo.
Habang isinusulat ko ang pitak na ito, wala pa ang pormal na communication mula sa Commission on Elections (Comelec) para sa sertipikasyon na nagsasaad na si Tulfo ang nominee bilang kapalit ni Soriano.
Aba’y saka pa raw mag-uumpisa o pormal na mauupo bilang kinatawan si Tulfo kapag natanggap ng Kamara ang sertipikasyon mula sa poll body.
Maaalalang kinuwestiyon ng isang abogado ang pag-upo ni Tulfo bilang kinatawan ng ACT-CIS.
Sinasabing sapat na naman daw ang pagkakabasura ng Comelec sa disqualification case laban kay Tulfo para siya ay manumpa bilang bagong kongresista.
Marami pang pagdaraanan ang kaso.
May pagkakataon pa ang petitioner na umakyat sa Comelec En Banc o kaya’y sa Korte Suprema.
Subalit kumpiyansa naman si Tulfo na bago ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. ay mareresolba na ang nasabing usapin.
God bless and more power po, Cong. Erwin Tulfo!