Ayan. Tulad ng isinulat ko noong nakaraang Biyernes, may ‘Marites’ din ako para sa mga kritiko ni dating Executive Secretary Vic Rodrigues. Sa mga nagsasabi na masisibak siya sa Malakanyang, nagkamali po kayo. Siya ngayon ay Chief of Staff (CoS) ni Pangulong Bongbong Marcos.
Opo. Sa mga nagpapakalat ng balita, ‘Marites’ o hangad na mawala na si Atty. Vic sa bakuran ng Palasyo at ilalagay sa ibang bansa na malayo kay PBBM, nagkakamali po kayo. Mas nadikit pa nga siya kay PBBM bilang kanyang CoS. Lahat ng mga bagay at pangangailangan ng ating Pangulo ay dadaan pa rin kay CoS Rodriguez.
Marahil dito natin makikita kung gaano katibay ang tiwala ni PBBM kay Rodriguez. Sa lahat ng ipinukol at intriga laban kay Atty. Vic ay hindi natitinag ang kumpiyansa at tiwala ni PBBM sa kanya. Sa totoo lang, dalawa o tatlong beses nang nagpaalam si Atty. Vic kay PBBM upang mag-resign at bumaba sa puwesto bilang Executive Secretary ngunit hindi ito tinanggap ng ating Pangulo.
Nakapagtataka kung bakit may mga grupo sa Malakanyang na nais tibagin at bakbakin si Atty. Vic. Bakit kaya? Kung totoo man na ang mga isyu at paratang laban sa kanya ay may katotohanan, tiyak na si PBBM mismo ang personal na magtatanggal sa puwesto kay Atty. Vic.
Ramdam ko ang pinagdadaanan ni Atty. Vic. Kahit sino naman ay masasaktan kapag napagbintangan ng isang bagay na wala namang katotohanan. Hindi ako naniniwala na ang mga isyung ibinabato laban kay Atty. Vic ay walang alam si PBBM.
Nag-umpisa ang lahat ng ito noong italaga si Christopher Pastrana bilang general manager ng Philippine Ports Authority (PPA). Marami ang bumabatikos dito dahil ang pangunahing negosyo umano ni Pastrana ay may kinalaman sa mga pantalan.
Susmaryosep, maglalagay ba si PBBM ng isang tao na walang alam sa kalakaran at operasyon ng pantalan? Maglalagay ka ba ng arkitekto o inhinyero sa Department of Health? Hindi ba dapat doktor ang kailangan sa DoH?
Ang sumunod naman ay ang umano’y may kinalaman si Atty. Vic sa pagpasok at pag-angkat ng 300,000 metric tons ng asukal sa ating bansa. Hindi ba’t siya mismo ang nakapansin nito kaya sinabihan niya agad si PBBM ukol dito kaya naman nahinto ang nasabing pag-angkat? Kinalaunan ay kabaligtaran ito at may kinalaman daw si Atty. Vic sa maling pag-angkat ng mga tone-toneladang asukal. Tsk tsk tsk.
Si Atty. Vic ay hindi politiko. Hindi siya ‘yung tipo ng tao na mahilig mamulitika. Tahimik. Seryoso at mapili siya sa mga tunay na kaibigan na maaaring niyang mapagkatiwalaan. Kaya marahil ay hirap makapasok at makuha ang tiwala ni Atty. Vic ang ibang mga nakapaligid na kaibigan o kamag-anak sa pamilya ni PBBM.
Sabi ko nga sa inyo, tinatawag na ‘snake pit’ ang Malakanyang. Hindi mo talaga alam kung sino ng tunay na may malasakit sa Pangulo. Karamihan sa kanila ay may pansariling adyenda. May nais na makuha na posisyon sa gobyerno. Andyan si Atty. Vic upang salain ang mga ito. Kaya marami ang naghahangad na matanggal sa puwesto si Atty. Vic upang matanggal ang nasabing balakid sa kanilang mga plano.
Puwes, nagkakamali kayo. Nandiyan pa rin si Atty. Vic. Tulad ng pinakabagong vlog ng sikat na si Ben Barubal, hindi niya binarubal si Atty. Vic bagkus na nakita niya at naiintindihan niya ang sitwasyon ni Atty. Vic.