PARA sa marami, mahirap ang nagdaang taon. Pero para sa akin, marami pa ring dapat ipagpasalamat. Isang bagay na ang pagkakataong makasama natin ang mga mahal sa buhay ngayong Pasko at Bagong Taon dahil may kalayaan na tayong maglibot, bumiyahe, at makihalobilo ngayon kumpara sa dalawang nagdaang taon. Ito pa lamang ay malaki nang biyaya.
Kahit na marami nga naman talaga ang mga pagsubok na dumaan at nagpaparamdam sa atin sa mga darating na araw, mainam pa ring pagtuunan natin ng pansin sa ngayon ang magagandang bagay na nangyari nitong nagdaang taon upang makapagpasalamat na rin sa mga biyayang natanggap.
Malaking bahagi ng populasyon ng mundo ang nakatanggap ng COVID-19 vaccine kaya nakatulong ito nang malaki upang masugpo unti-until ang virus. May pagtutol mula sa mga anti-vaxxers lalo na noong una, ngunit habang lumalakas ang kampanya para sa pagpapabakuna ay mas marami rin ang nahikayat na kumuha nito. Nakita ng lahat na kinakaya naman ang mga side effects kaya naengganyo na rin ang marami na pumila sa vaccination centers.
Dulot nito ay ang dahan-dahang pagbubukas ng mga biyahe dito at sa labas ng bansa. Nag-umpisa nang bumiyahe ang mga tao upang bisitahin ang kanilang mga kaibigan at kaanak o ituloy ang mga naudlot na appointment. Isa-isang nagpatuloy ang mga aktibidad sa mga organisasyon at opisina, sa pisikal man o hybrid na plataporma. Natuto ang tao na mag-adjust sa ating new normal, at maghanap ng paraan upang mabuhay at makibagay sa ating kasalukuyang reyalidad.
(Itutuloy)