KAPANSIN-PANSIN daw ang pagbaba ng bilang ng mga walang trabahong Pilipino noong Setyembre ngayong taon.
Batay raw kasi sa Social Weather Stations (SWS) survey, buhat sa 13.5 milyon noong June 2021 ay nasa 11.9 milyon na lang daw ito.
Sinasabing katumbas ito ng 24.8 percent ng adult labor force o mas mababa ng 2.8 points mula sa 27.6% na naitala noong Hunyo.
Karamihan daw sa unemployed Filipinos ay umalis sa kanilang dating trabaho.
Ang dahilan ng ilan ay hindi na sila masaya sa work environment.
Kaya naghanap ng ibang mapapasukan.
Ang resulta? Nang pumasok ang pandemya at nagkaroon ng pagbagsak sa ekonomiya ay nawalan sila ng trabaho.
Ang pagtaas ng joblessness ay naitala naman daw sa Visayas na pumalo sa 22.6%, nalalabing bahagi ng Luzon na may 27% at sa Mindanao na 16% ang joblessness.
Pinakamarami naman daw ang mga nawalan ng trabaho sa Metro Manila na umabot sa 34%.
Sa totoo lang, mahalaga ang trabaho para sa tao upang matamo ang livelihood security at magkaroon ng direksiyon ang kanyang buhay.
Ang masaklap nga, walang sapat na bilang ng mga trabaho na puwedeng mapasukan mula pa noong mga nakaraang taon.
Nariyan din ang katotohanang patuloy na lumalawak ang labor market.
Ang pinaka-apektado rito ay ang mga kabataan. Sila ang nahihirapang maghanap ng kayod.
Ang mga nakukuha naman nilang trabaho ay hindi paborable sa kanila ang working conditions.
Para naman sa ilang eksperto, siyam daw sa sampung trabaho ay mula pribadong sektor.
Sa madaling salita, dapat mas itrato pa raw nang maayos ng gobyerno ang private sector.
Tinatayang 25 percent ng work force ay inookupa ng young workers pero 40 percent naman sa kanila ang unemployed.
Well, mahalaga rin daw na tumulong ang mga nasa pribadong sektor para maging entrepreneur ang mga kabataan mula sa pagiging tambay.
Ibig sabihin, kung kailangan ng kahit basic education ng isang bata, nangangailangan pa ng mas maraming guro.
Malaking tulong din dito ang K-12 program at maging ang apprenticeship na tinatawag.
Aba’y malaki rin ang nagiging ambag dito ng Department of Education (DepEd), Department of Labor and Employment (DOLE), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at iba pang ahensya.
Pinangangambahan naman daw ng ilang eksperto ang pagkabura ng maraming trabaho dahil sa digitalization habang ipinalalagay naman ng ilan na puwedeng magbigay ito ng higit sa inaasahang oportunidad.
Ang katotohanan dito, hindi na tao ang nag-iisip kundi ang mga makina.
Inaaral na ng computers ang isa’t isa kaya’t napapalitan ng teknolohiya ang maraming trabaho.
Kahit gaano ka pa katalino o ka-edukado, puwede ka raw talunin ng makina o computer.
Isipin n’yo na lang, ang hamburger ay kaya nang lutuin ng makina at tumatakbo na rin nang mag-isa ang ilang makabagong sasakyan.
Ito na marahil ang isa sa mga masasamang epekto ng modernisasyon at digitalization.
Ngayong panahon naman ng pandemya, halos lahat ay nakadepende na sa moderno at makamundong teknolohiya.
Kung tutuusin, hindi naman masama ang paggamit nito ngunit may mga bagay na dapat nating tinatrabaho at hindi kailangang i-asa sa teknolohiya ang lahat ng mga ginagawa natin sa mundong ibabaw.
Nakalulungkot na pati ang simpleng pagsunod sa gawaing bahay upang makatulong sa mga magulang ay hirap na ding gampanan ng mga kabataan ng makabagong panahon.
Tila masyado nang minahal ang aliw na ibinibigay ng modernisasyong teknolohiya.
Laging tandaan na kahit saang anggulo tingnan, tayo’y nakahihigit sa teknolohiya.
Tunay namang malaki ang agwat ng tao sa teknolohiya dahil gumagana lang ito batay sa kung ano ang kailangan at kahilingan natin sa kanila.