ANG MGA POSITIBO AT NEGATIBONG DULOT NG TEKNOLOHIYA

MABILIS ang pag-usad ng panahon.

Kasabay naman nito ang mabilis ding pagbabago sa mundo, maging sa saloobin at kaluluwa ng tao.

Ang tila pagkaatat ng marami sa pagbabago ang siyang sanhi ng pagkasilang ng teknolohiya.

Lumawak ang kaalaman ng lahat tungkol sa mundo.

Siyempre, dahil ito sa modernong panahon na kinabibilangan natin ngayon.

Waring napakalayo na nga ng nilakbay ng lahat, lalo ng mga kabataan, dahil ang mga bagay na kinagigiliwan nating gawin sa mga nakalipas na panahon ay nakalimutan na’t naglahong parang bula.

Ang bahay-bahayan, langit-lupa, patintero at iba pa na dating nagbibigay-buhay sa lansangan at bumabasag sa nakabibinging katahimikan ng kapaligiran ay natakpan na ng social media at iba’t ibang uri ng online games tulad ng Mobile Legends, DOTA, Axie, at marami pang iba.

Totoo, kahit saan tayo lumingon ay bakas ang pagbabago ng teknolohiya sa mundo at kasabay nito ang malaking pagbabago ng mga kabataan.

Aba’y halos hindi mabitawan ang gadgets kung saan mas maraming oras pa ang inilalaan kaysa makipag-interaksiyon o gumawa ng mas makabuluhang bagay.

Matindi ang epekto sa kanila ng modernong henerasyon. Marami tuloy ang nagtatanong kung dapat bang isisi sa teknolohiya ang unti-unting pagbabago ng pag-uugali ng binansagang “pag-asa ng bayan.”

Nakatutulong din naman sa atin ang pagyabong at paglaganap ng teknolohiya sa kasalukuyang panahon dulot ng krisis. Nakakapag-aral din kasi ang mga bata sa tulong ng makabagong teknolohiya at pati ang mga guro ay nakakasabay na rin.

Pati ang online na pagpapakonsulta sa doktor ay nauuso rin dahil sa COVID-19 pandemic.

Habang patuloy na bumabangon ang mundo mula sa pandemya, dumarami ang mga nakakaimbento ng health apps at iba pa.

Ang tinatawag na tele-medicine o ang paggamit ng teknolohiya sa paggamot ng mga pasyente ay ang pangunahing paksa sa pinakamalaking tech conference ngayong taon sa Lisbon, Portugal.

Lumalawak ang kompanyang Kry na nakabase sa Sweden kung saan nag-o-operate na ito sa limang European countries gamit ang kanilang app.

Kabilang naman ang US-based Calmerry sa lumalagong e-counselling companies na nag-aalok ng video sessions na tampok ang kanilang mental health therapists.

Bawat subscription ay nagkakahalaga ng $42 per week na talagang abot-kaya raw para sa mga nagpapakonsulta. Tinututukan din ng ibang apps ang paglaganap ng depression at anxiety sa mundo ngayong panahon ng pandemya.

Katunayan, ang mental health chatbot na Woebot ay bukas para sa mga taong nais ibunyag ang kanilang mga problema pero sa halip na human therapist ay nagmumula sa artificial intelligence o AI ang mga tugon dito.

Kasama raw si Spanish football legend Iker Casillas sa mga investor sa Idoven, isang startup na gumagamit din ng AI para analisahin ang datos mula sa heart monitoring kits.

Mas madali raw ma-detect dito ang hindi regular na heart rhythms na maaaring magbigay ng babala sa pasyente laban sa anumang panganib sa kanyang kalusugan. Naging interesado raw dito si Casillas dahil nakaranas din siya ng atake sa puso noong 2019.

Nangangahulugan na ganyan kabilis uminog ang teknolohiya. Mahigit isang taon pa lang mula nang magkaroon ng pandemya ay namumutiktik na ang iba’t ibang health apps.

Sa pangyayaring ito, minsan pang napatunayan ang husay o galing ng tao sa modernong teknolohiya.

Subalit hindi maitatanggi na may negatibo rin itong epekto sa atin, lalo na sa mga kabataan. Nagiging tamad na ang mga bata dahil madali nang gawin ang lahat para sa kanila.

Hindi na kailangang bumuklat ng libro at hanapin ang kasagutan dito bagkus kaunting type at click lang dito ay may instant nang kasagutan ang Google sa kanilang assignment.

Hindi na nga halos napapasyalan ang silid-aklatan kahit noong wala pang pandemya.

Nagiging makapal na ang alikabok sa mga libro sapagkat nakulong na ang atensiyon nila sa isang kahong hindi maiwan ng kanilang paningin kahit saglit. May paraan pa rin naman para hindi maabuso ang paggamit nito at ito ay ang disiplina sa sarili.

Marahil ang kabataan din na disiplinado, masipag, at may magandang pag-uugali sa modernong henerasyon at ang patuloy na pagyabong ng teknolohiya ang magsisilbing susi sa pag-unlad ng bawat isa.