Story & photos by JAYZL VILLAFANIA NEBRE
Kinalakhan na sa aming lugar ang pamamanata tuwing araw ng Biyernes sa Limang Simbahan (old church). Tinawag itong lumang simbahan dahil talagang luma. Katunayan, sa sobrang kalumaan ay tinubuan na ng mga puno ng balete ang mga dingding nito.
Ayon sa aking Lola (tinatawag ko siyang nanay dahil ayaw niya ng Lola), bata pa lamang siya at may mga puno na ng balete sa dingding ng lumang simbahan. May mga higanteng puno pa umano ng akasya sa palibot nito, ngunit hindi ko na iyong naabutan.
Kung ang pagbabasehan ay ang istraktura, masasabing Malaki ito — humigit-kumulang sa 200 metro kwadrado — kung saan sa ngayon, ang may bubong lamang ay maliit na kapilya na marahil ay 50 square meters lamang ang laki.
Maraming nagmamagandang loob na magbigay ng donasyon upang ipagawa ito, ngunit ang mga deboto mismo ang tumatanggi dahil ayon sa kanila, sa makapal na mga ugat ng mga puno ng balete na nagsasalabid sa mga dingding na adobe, paminsan-minsan ay makikita nila ang mukha ni Jesus na nakangiti.
Sinunog ang Lumang Simbahan (Old Church) noong 1896. Isa itong trahedyang hinding hindi malilimutan noong panahong iyon, na paulit-ulit na ikinukwento ng mga nakasaksi.
May 500 babae, lalaki at mga bata ang nagsisimba noon, sa tinatawag na Misa cantada. Sa Misa Cantada, kadalasang nagsisimula ito ng ika-7 ng umaga at natatapos, eksaktong alas doce ng tanghali.
Nang araw na iyong ng Lingo, nasa kalagitnaan ng selebrasyon ang Misa Cantada nang dumating ang mga soldados (Spanish soldiers). Sapilitan nilang ipinahihinto ang Misa dahil ipinagbawal ng gobernadorcillo ang maramihang pagsasama-sama (gathering) ng mga Filipino sa takot na umani ang mga Nasugbueño sa resolusyong nagsisimula sa sa katagalugan, partikular sa Batangas at Cavite. Nakiusap ang mga debotong tatapusin lamang nila ang Misa Bago sila lumabas ngunit sa halip makinig, isinara ng mga soldados ang lahat ng pintuan at sinilaban ang buong simbahan.
Ayon kay Spanish historian Manuel Sastron, nakita niya ang nasabing simbahan noong 1895, isang taon gago ito iginupo ng apoy. Ani Sastron, 43 taon na noon ang simbahan, na pinangangasiwaan ng kura parokonna si Don Leocadio Dimanlig, na Kilala ng lahat sa tawag na Padre Kadio. Siya ang kura paroko mula 1895 hanggang 1900 at nakatakda palang makasaksi sa pagkawasak ng pinakamahal niyang simbahan, gayundin ang batang napalapit na sa kanyang puso, sa unang sigwada pa lamang ng Philippine Revolution.
Maraming namamanata ang patuloy na dumadalaw sa Lumang Simbahan, sa kabila ng katotohanang mula pa noong 1896 ay hindi na nagsagawa ng Misa dito. Isa sa batas ng Simbahang Katoliko na kapag may namatay sa loob ng simbahan ay aabandonahin ito at ililipat ng lugar. Mahigit 500 katao ang pinatay sa Lumang Simbahan. Isang karumal-dumal na massacre ito na umukit sa puso at kaluluwa ng nga Nasugbueño.
Inilipat ang simbahan sa Barangay Dos, kasabay ng paglilipat ng sentro ng gobyerno sa kalapit-solar. Ang dating pueblo ay naging Lumang Bayan, at ang sinunog na simbahan ay hinayaang tubuan ng mga damo at puno ng balete.
Gayunman, may ilang debotong nananatiling dumadalaw sa madawag at napabayaang simbahan, dahil kapag nag-aagaw na ang dilim at liwanag — 5:00 am at 6:00 pm — nagpapakita ang Birhen ng Escalera (Our Lady of the Stairs) sa mga piling mananampalataya.
Natatadaan kong noong bata pa kami ng aking kapatid na babae ay pumupunta kami sa Lumang Simbahan tuwing Biyernes, sakay ng trisikad. Natatadaan ko ring napalo ako pagkagaling sa Lumang Simbahan dahil nalibang ako sa panonood ng mga nsnamamanata, at sa magagandang ibong dumadapo sa balete. Ang ganda kasi ng balete. Sabi ng lola ko, “matanda pa yan sa humukay ng ilog” meaning, bata pa lang siya, ruins na ang Lumang Simbahan.
Dahil hindi ko sila inabutan sa loob ng kapilya, naglakad ako at umuwing mag-isa. Gabi na sila nakarating ng bahay dahil hinanap pala nila ako.
Batay sa tala, 171 taon na ang Lumang Simbahan. Naroroon pa rin ito. Walang maayos na pintuan, walang bubong, at pudpod na rin ang dating altar, ngunit naroroon pa rin ang pananalig. Naniniwala silang ang magkasintahang magsusumpaan ng pag-ibig sa harap ng altar ng Lumang Simbahan, magkalayo man ay muli ding magkikita. Ito ang dahilan kung bakit may magsing-irog na nagpapakasal sa juez sa Lumang Simbahan.
Kaya kung nais ninyo ng kakaiba at misteryosong adventure, halina kayo sa Lumang Simbahan ng Nasugbu.