ANG MULTO NG POLIO

DOC ZACATE-ZACATERBANG PAYO.jpg

ANO ANG Poliomyelitis?

Ang Polio o Poliomyelitis ay sanhi ng isang virus. Mayroong tatlong klase ng Wild Type Polio o ‘yung nasa paligid na maa­aring makahawa ng tao. Ito ay nakukuha sa pagkain o tubig na na-contaminate ng dumi ng isang taong mayroong impeksyon ng polio.

Ang polio ay madaling makahawa, 75% ng nakakuha ng impeksyon ay asymptomatic at hindi nagtataglay ng ano mang senyales o sintomas ng impeksyon, 25% naman ay mayroong hindi malubhang sintomas tulad ng lagnat, sore throat, stiff neck at pananakit ng bisig at binti, at sa 0.5% naman ay nagkakaroon ng pananamlay ng mga binti.

Ang mga sintomas at senyales na ito ay maaaring mawala at maka-recover ang pas­yente sa loob ng 1 hanggang 2 linggo. Ang mga taong naka-recover ay maaaring magkaroon ng tinatawag na “Post-Polio Syndrome” pagkalipas ng maraming taon, at maaaring magdulot ng pananamlay ng muscles lalo na ng mga binti na puwedeng maging sanhi ng hindi pag-develop nito at tuluyan ng maparalisa. (hango sa: “Poliomyelitis” Epidemiology and Prevention of Vaccine Preventable Diseases; Hamborsky J, Kroger A, Wolfe C; 13th ed; December 30, 2016).

ANO ANG GAMOT AT PAANO MAIIWASAN ANG POLIO?

Ang sakit na polio, sa kasamaang palad ay walang gamot na naitatala para maibsan ang paralysis na dulot nito. Masasabi rin itong irreversible o hindi na maibabalik sa dati, ngunit ito ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng bakuna at magandang sanitation sa ating kapaligiran.

Sa Filipinas, ang Polio Vaccine ay kasama sa Expanded Program for Immunization ng ating gobyerno, ito ay libre at maaaring makuha ng ating mga kababayan para maprotektahan ang kanilang mga anak.  May dalawang klase ng Polio Vaccine na nasasakop ng programang ito—ang Oral Polio Vaccine at Inactivated Polio Vaccine. Ang Oral Polio vaccine ay ibini­bigay sa mga bata ng tatlong beses, ang una ay sa 1 at ½ na buwan, ang sumunod ay sa 2 at ½ na buwan at ang pangatlo ay sa 3 at ½ na buwan. Ang Inactivated Polio Vaccine naman ay ibinibigay sa mga bata na 3 at ½ na buwan. Ang mga ito ay dapat makuha ng isang bata o sanggol upang sila ay kompletong maproteksyunan laban sa sakit na Polio.

Ang Oral Polio Virus ay ibinibigay sa pamamagitan ng pagpatak sa bibig ng isang tao, ito ay nagdudulot ng pagdami ng “Antibodies” sa ating bituka na lumalaban sa Polio Virus na ating nakukuha sa pagkain at tubig. Ito ay first line defense ng ating katawan laban sa virus na ito, at ang kagandahan nito, bukod sa proteksiyon sa ating katawan, ang Polio virus ay hindi na nailalabas pa sa kapaligiran upang makahawa ng iba. Ang OPV ay may sangkap na pinahina ngunit buhay ng tatlong klase ng Wild Type Polio Virus, sa maliit na pagkakataon ang sangkap ng bakuna na ito ay maaaring bumalik sa kanyang potential upang magdulot ng sa­kit, dito nagkakaroon ng tinatawag na “Vaccine Derived Polio Virus”.

Ang sanhi ng “Vaccine Derived Polio Virus ay maaaring dahil sa mababang immunity ng isang lugar na dulot ng mababang partisipasyon ng komunidad, kulang ng dosage dahil hindi nakompleto ang tamang schedule ng bakuna, at minsan ay ang kakulangan sa implementasyon ng mga programa ng gobyerno sa pagbabakuna.

Ang Inactivated Polio Vaccine ay ibinibigay sa pamamagitan ng pag-iinject sa muscle, ito ay hindi buhay na virus at may sangkap ng tatlong Wild Type Polio Virus, na ang ibig sabihin wala itong posibilidad na magdulot ng “Vaccine Derived Polio Virus”. Kapag ito ay naibigay sa katawan, ito ay nagdudulot ng pagdami ng “Antibodies” o normal na panlaban sa sakit na Polio na pumipigil sa pagkalat ng Polio Virus at naiiwasan ang komplikasyon.

Ang Inactivated Polio Virus ay mahina sa tinatawag na “Gut Immunity” na ang ibig sabihin ay hindi nito tinatanggal ang Polio Virus na nasa ating bituka. Dahil dito, maaari pa ring kumalat ang virus sa kapaligiran kapag dumudumi ang isang tao, at makahawa naman ng iba na walang proteksiyon laban sa Polio.

ANG ESTADO NG SAKIT NA POLIO SA FILIPINAS

Ang Filipinas ay dineklara na Polio-Free noong October 2000, ang giyera sa Polio Virus ay opisyal ng natapos, ito ay dahil sa maayos na polisiya ng pagbabakuna ng mga nakaraang mga taon na sinimulan at pinaigting ng kampanya ng yumaong dating Secretary ng Department of Health at Senador Juan Flavier, at nang mainit na pagtanggap ng mamamayan sa programang ito.

Ngunit ang multo ng giyerang ito na ina­akalang tapos na ay bumulaga ngayong taong 2019.

Sa mga sample ng tubig sa estero ng Davao at Maynila ay hindi inaasahang makakitaan ng bahid ng Vaccine Derived Polio Virus Type 2 (VDPV 2), o klase ng Polio na nagmula sa bakuna, at sa kadahilanang pagbaba ng “Immunity Status” sa isang lugar ay nagkaroon ng kakayahang makadulot ng sakit.

Noong September 19, 2019, dalawang kaso ang naitala na nahawaan ng ganitong uri ng Polio sa lalawigan ng Lanao at sa lalawigan ng Laguna. Ang “isolates” o Polio virus na nakuha sa mga pasyenteng ito ay may pagkakahawig “Genetically” sa mga nakuha sa estero ng Davao at Maynila. Bukod pa rito, nakuhaan ng bahid ng Vaccine Derived Polio Virus Type 1 sa mga estero ng Maynila. Dahil dito ang Filipinas na noong dineklara na Polio-Free ay isinilalim sa isang Polio Outbreak

Kamakailan lang, October 28, 2019, isa na namang kumpirmadong kaso ng Polio ang naitala sa Maguin­danao, kung saan ang pasyente na may edad 4 na taong gulang ay may history na hindi nabigyan o nakakuha ng kahit anong dose ng Oral Polio Vaccine na siya sanang magiging sanggalang sa nasabing sakit.

Sa ganitong sitwasyon, ang compliance at pakikipagtulu­ngan ng mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak at sumailalim sa “Catch Up Vaccination Program” ay isang napakahalagang bagay. Tuloy ang laban sa Polio at sa ngayon ang mga Mang­gagawa ng Kagawarang Pangkalusugan ay masigasig na nagbabakuna sa mga lalawigan ng Lanao Del Sur, Davao City, Davao Del Sur, Marawi, at pati na rin sa Maynila.

Bukod sa pagbabakuna, importante rin na panatilihin nating malinis ang ating kapaligiran, patibayin ang resistensiya at iwasan ang sobrang pagod.

Kung may katanungan, maaaring mag-email sa [email protected] o i-like ang fanpage medicus et legem sa Face­book- Dr. Samuel A. Zacate.