AYON sa pinakahuling datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), halos tatlong milyon na (2.93 milyon) ang mga Pilipinong walang trabaho nitong buwan ng Mayo 2022. Tumaas ito sa 6% mula 5.7% noong buwan ng Abril 2022.
Sa gitna ng tinatawag na Great Resignation na hindi lamang nagaganap dito sa atin kung hindi pati na rin sa buong mundo, malaking bahagi ng mga empleyado rito ang nagre-resign naman mula sa kanilang mga trabaho. Sila ay naghahanap ng mga trabahong mas makatutugon sa kanilang bagong mga pangangailangan. Base ito sa ginawang pag-aaral ng kompanyang Michael Page Philippines.
Karamihan sa mga tumugon sa survey ay nagsaad ng pagpapahalaga sa tinatawag na non-monetary benefits, o mga benepisyong walang kinalaman sa salapi. Mahalaga pa rin ang suweldo at bonus, ngunit mas pipiliin nila ang work-life balance kaysa umento sa sahod o promotion.
Para sa karamihan ng mga empleyado ngayon, ang kanilang mental health at panahon para sa pamilya at mga hilig ay nagiging prayoridad na kaysa sa dagdag na kita. Marami rin sa kanila ang nagsabing hindi inuuna ng kanilang pinagtatrabahuhang opisina ang work-life balance. Ito na nga marahil ang dahilan kung bakit sila’y nagbibitiw at naghahanap ng ibang mapapasukan.
Mahalagang isaalang-alang ng mga kompanya, HR department, at mga negosyante ang mga bagay na ito, kasama na ang pagpapatupad ng hybrid work arrangement para sa mga empleyado. Isa ito sa mga bagay na hinahanap nila—ang magkaroon ng pagkakataong makapagtrabaho sa bahay ng ilang araw bawat linggo.