ANG NALALAPIT NA PAGDATING NG BAKUNA, DAPAT PAGHANDAAN

JOE_S_TAKE

TIYAK na masaya ang puso ng bawat isa ngayong Pebrero, hindi dahil sa nalalapit na pagdating ng Araw ng mga Puso kundi dahil sa nakatakdang pagdating ng mga bakuna laban sa COVID-19 ngayong buwan.

Ayon sa mga ulat ng mga nangangasiwa sa bakuna, nakatakdang magsimula ang pagdating ng mga ito ngayong kalagitnaan ng Pebrero. Abot-kamay na ang ating pinakahihintay na bakuna.

Kamakailan ay ipinahayag ng Malacanang na naghahanda na ito para sa ganap na paglulunsad ng pamamahagi ng bakuna dahil nakatakdang dumating sa bansa ang unang batch ng bakuna mula sa Pfizer-BioNTech.

Ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang press briefing na handa nang ilunsad ang programa sa pamamahagi ng bakuna sa ika-15 ng Pebrero. Ang mga bakunang parating ay nakatakdang itago sa warehouse ng Department of Health (DOH) bago ito ipamahagi sa mga COVID-19 referral hospital na siyang natukoy bilang prayoridad na mabigyan ng bakuna.

Kasama si Pangulong Duterte sa mga unang bibigyan ng bakuna. Ito ay dahil siya ay isang senior citizen. Isang dahilan din kung bakit nais mauna ni Pangulong Duterte ay upang mapawi ang pangamba ng mga mamamamayan ukol sa epekto ng bakuna at mahikayat ang mga ito na magpabakuna na rin.

Ayon sa ulat ni National Task Force Against COVID-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon, nagkaroon ng kaunting pagkaantala ang pagdating ng unang 117,000 dosis ng bakuna mula sa Pfizer-BioNTech dahil sa mga dokumentong kailangan pang iproseso sa COVAX Facility at World Health Organization (WHO).

Siniguro naman ni Dizon na inaasikaso at tinututukan ito upang maipadala na agad ang nasabing mga bakuna. Sa kasalukuyan ay wala pang sinabing bagong petsa kung kailan maaaring dumating ang  nasabing mga bakuna. Samantala, ang bakunang Sinovac mula sa China ay nakatakdang pumasok sa bansa sa ika-23 ng Pebrero. Tinatayang nasa 600,000 ang inaasahang bilang ng unang batch ng dosis na papasok sa bansa mula sa China.

Upang masiguro ang maayos na sistema ng pagpasok ng mga bakuna sa bansa, binalaan ni Pangulong Duterte sa pamamagitan ng isang pre-recorded na briefing ang mga empleyado ng pamahalaan na huwag maging dahilan ng pagkaantala ng pagpasok nito. Aniya, ang mga empleyadong wala namang kinalaman sa pagpapadala at pagtatabi ng bakuna ay hindi dapat makialam sa anumang usapin ukol dito.

Nilinaw niyang tanging ang International Agency Task Force against Emerging Infectious Diseases ang otorisado pagdating sa usapin ng mga bakuna.

Partikular na binanggit ni Pangulong Duterte sa nasabing briefing ang Bureau of Customs. Binigyang-diin niya na ang tanging papel ng Customs sa pagdating ng mga bakuna ay ang usisain ang papeles ng mga ito. Hindi raw maaaring buksan ang mga kargamento.

Upang mas mapabilis pa ang proseso at matiyak ang seguridad ng mga bakuna, inutusan ni Pangulong Duterte si IATF Chief Implementor Secretary Carlito Galvez, Jr. na humingi ng tulong sa Philippine National Police (PNP) upang makapagpadala ng mga taong tatayo bilang escort sa araw ng pagdadala ng mga bakuna sa mga lokal na pamahalaan.

Bagaman tila nahuli tayo nang bahagya sa pamamahagi ng bakuna kumpara sa ating mga karatig-bansa, siniguro naman ng IATF na darating na rin ang mga bakuna simula ngayong Pebrero hanggang Marso. Habang hinihintay ang pagpasok ng mga bakuna ay tuloy-tuloy naman ang paghahanda na ginagawa ng mga lokal na pamahalaan.

Nililibot din ng IATF ang iba’t ibang lokal na pamahalaan upang masiguro ang kahandaan nito sa pagdating ng mga bakuna. Kailangan ay handa na ang paglalagyan nito, ang sistema ng pagpapadala nito, at ang sistema ng aktuwal na pagbibigay sa mga indibidwal.

Nagpahayag din ng pagsuporta ang Taskforce T3 (Test, Trace, Treat) sa pamahalaan sa paglulunsad ng bakuna sa bansa. Ang Taskforce T3 ay isang public-private task force na kinabibilangan ng pribadong sektor, Philippine Red Cross, at ng Philippine Disaster Resilience Foundation (PDRF). Ipinahayag ng nasabing grupo na mas paiigtingin pa nito ang pakikipagtulungan sa pamahalaan upang masiguro ang payapang paglulunsad ng bakuna sa bansa.

Kasalukuyang binubuo ng Taskforce T3 ang isang kampanya na naglalayong magbigay ng impormasyon sa publiko ukol sa kaligtasan at bisa ng mga bakuna. Ito ay kanilang ginagawa sa tulong din ng DOH, at ng National Task Force (NTF) against COVID-19.

Ako ay nagagalak sa mga ganitong balita ukol sa pagtutulungan at mga paghahanda sa pagdating ng bakuna sa bansa. Nawa’y walang maging problema pagdating ng bakuna nang magtuloy-tuloy na ang pamamahagi ng solusyon na siyang susugpo sa COVID-19.

Sa kasalukuyan ay nasa halos 550,000 na ang kabuuang bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa. Bukod dito, nasa higit isang libo pa rin ang nadadagdag sa bilang na ito kada araw. Ngunit ngayong nalalapit na ang pagdating ng bakuna, ako ay hindi na makapaghintay na makita ang magiging pagbaba sa bilang na ito.

Tayo’y magkaisa at makipagtulungan sa pamahalaan upang masiguro ang epektibong sistema ng paglulunsad ng bakuna. Huwag na rin sana nating bahiran ng politika ang ukol sa bakuna dahil lahat naman tayo ay makikinabang dito, anumang partido sa politika ang ating sinusuportahan.

Comments are closed.