ANG NATIONAL ARTIST AWARD

Ed Cordevilla

SA NOMINASYON ng ilang malalaking grupo ng mga manunulat sa bansa upang gawing National Artist for Literature si Jose Maria Sison, ako’y medyo nagulat. Alam nating manunulat ang lider ng National Democratic Front at Communist Party of the Phil-ippines.

May nabasa akong panulat ng kagalang-galang na lider at ito ay sa anyong essay. Mahusay naman talaga, academic nga ngunit na-kaangkla sa reyalidad ng bansa lalong-lalo na sa mga sulok-sulok ng mga lalawigan.

Matalim at mapanaliksik sa katotohanan, ito ang aking nadama una pa lamang natin siyang mabasa.

Isa rin umano siyang manunula, malamang nga. Ngunit wala pa akong nabasa. Pero malamang sa malamang nga.

Si Joma Sison ay isang rebolusyonaryo na nasa Netherlands ngayon dahil sa kanyang pagiging underground.

Karapat-dapat nga ba siyang bigyang parangal bilang isang National Artist? Masalimuot na katanungan, dahil magaling naman talaga si Joma Sison na nagtago sa kanyang nom de guerre na Amado Guerrero.

Sa ganang akin ay sana’y naging manunulat na lamang talaga siya. Ngunit hindi, naging lider siya ng isang armadong grupo na nakikipaglaban sa pamahalaan. Paano ngayon ihihiwalay ang pulitikal at ang artist sa katauhan ni Joma Sison?

Ang kanyang panulat ay nakipaglaban, oo sa kanyang paniniwala na maisasaayos ng kanyang niyakap na ideyolohiya ang bansa lalo na ang pag-aangat ng buhay ng ating mga maralitang kababayan.

Ang isang kamay ay may apuhap na panulat, ang kabila naman ay armas. Ito ba ay arte? Ito ba ay art? Ito ba ay literary art?

Bagaman ako’y personal na naniniwala na ang literatura ay malaki ang nararapat na gampanan sa paggising sa sambayanang Pilipi-no, ay hindi po ito sa paraan ng armas. Literatura na nakasulat sa pahina na isinusulat sa puso ng bawat isa. Hindi po panulat na maglalagay ng armas sa kamay ng bawat isa.

Wala po akong kuwestiyon sa pagiging rebolusyonaryo ng ating magiting na kababayang si Joma Sison. Ang inilalahad ko po ay ang pagiging literary artist ng isang nominadong pagka-National Artist na sa tingin ko’y malabo sa katauhan ni Ginoong Sison.

Isa po siyang manunulat, oo; isa po siyang edukador, oo; ngunit hindi po siya isang artist, sa aking pagka-salansan sa maaaring ibig tukuyin ng National Artist Award for Literature. Ako po ay naniniwalang mas isinabuhay ni Ginoong Sison ang pagiging rebolusy-onaryong armado, kaysa ang isang maging payak na artist.

Maaaring may mga award na nararapat na ibigay kay Joma Sison, ngunit maaaring hindi po dapat ang National Artist for Literature Award.

Comments are closed.