MASAYANG inanunsiyo ng Department of Budget and Management (DBM) na tuloy ang pagsulong ng ‘Agenda for Prosperity’ ng administrasyong Marcos.
Kasunod ito ng pag-apruba ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. at ng kanyang Gabinete sa National Expenditure Program (NEP) para sa 2024.
Kaya asahan nang patuloy na ipaprayoridad sa panukalang 2024 national budget ang mga gastusin na makatutulong sa paglago ng ekonomiya.
Lahat ng mga items na ito, kung hindi ako nagkakamali, ay nakaangkla sa Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028 at 8-point socioeconomic agenda.
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, ang proposed national budget para sa susunod na taon ay nasa P5.768 trilyon.
Sinasabing katumbas ito ng 21.8 percent ng Gross Domestic Product (GDP) at mas mataas naman ng 9.5 percent kumpara sa P5.268 trilyong badyet ngayong taon.
Nabatid na ang budget plan para sa fiscal year 2024 ay binusisi nang maigi.
Siyempre, ito’y bunsod ng ilang mga kadahilanan tulad ng budget utilization rates sa mga nakalipas na taon at alignment ng programs, activities and projects (PAPs) na ang mga prayoridad ay binalangkas sa kanilang Budget Priorities Framework.
Hinimok ni Pangandaman ang lahat ng mga kinauukulang ahensiya na suportahan.
Bukod pa riyan, dapat din naman nilang depensahan ang panukala sa nakaambang congressional deliberations.
Target nilang isumite ang 2024 national budget plan sa Kongreso ilang linggo bago ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni PBBM sa Hulyo 25 ngayong taon.
Sang-ayon sa Saligang Batas, dapat naisumite na ang NEP sa lower house sa loob ng 30 araw pagkatapos ng SONA.
Samantala, ramdam na ramdam ang sipag at husay ng mga taga- DPWH Regional Office 1 na pinamumunuan ni Engr. Ronnel Tan.
Ito ang dahilan kaya nakakuha ito ng 92.50% rating at nasungkit nito ang unang puwesto sa hanay ng Most Outstanding DPWH Regional Offices (ROs) at District Engineering Offices (DEOs) para sa taong 2022.
Isinagawa ang evaluation ng PRAISE Committee at mismong si Pang. Bongbong Marcos ang naggawad ng parangal bilang bahagi ng 125th Founding Anniversary ng DPWH.
“No one could even be more prouder than we are as you consistently work the hardest to deliver the best quality of excellent public service. From being a Model Employee to the Best District Engineer and now the Best Regional Director,” ayon sa statement ng tanggapan ni Engr. Tan.
Mabuhay po kayo, bossing, at God bless!