HINDI humihina ang ating salapi, Suki.
Kundi lumalakas lang ang dolyar.
Ang Bangko Sentral ng Pilipinas ang nagsasabi n’yan. Hindi ako.
Ngayon, ano ba ang epekto sa maliliit na lahi ni Juan kung lumiliit ang palitan ng kanilang pera kontra sa dolyar ng Estados Unidos, ha?
Opkors, may bentahe sa marami, Suki.
Lalo na sa pamilyang may miyembrong nagtatrabaho sa ibang bansa.
Partikular ang mga OFW.
Kasi, sa bawat patak ng sentimong naikarga sa palitan pabor sa dolyares ay grasyang tunay sa pamilyang naghihintay ng padala ng OFW.
At sa ating lokal na pamilihan naman ay lalo pang sumisigla ang kalakalan.
Kasi lumalakas, Suki, ang kakayahang gumasta ng milyon-milyong lahi ni Juan na mayroong kapamilyang kumakayod sa ibang bansa.
At ‘yan ay dahilan nga sa patuloy na paglakas ng salapi ng Amerika.
At aminin man o hindi ng taga-BSP, Suki, ay sa paghina nga ng halaga ng ating pera.
oOo
Sa totoo lang, Suki, ay walang kagyat na epekto na makasasama sa ating ekonomiya ang galaw ng palitan ng peso kontra sa dolyar.
Dapat ganun!
At kung mayroon mang epekto, Suki, ay iyan ‘yung binanggit kong pabor sa milyon-milyong pamilya na may miyembrong OFW.
‘Yan ang aking paniniwala.
Kasi, ang isyu ng palitan ng peso laban sa dolyar ay pangunahing umiikot lang naman sa mayroong inaasahang parating na dolyares.
At sa mga negosyanteng kumprador ng mga hilaw na sangkap sa ibang bansa.
Kasama na siyempre ang mga ismagler na nagpapalusot sa ating mga pantalan.
Ang siste, Suki, ay ginagamit ng ilang mapagsamantalang negosyante ang paghina ng ating pera upang iangat ang presyo ng kanilang mga paninda.
At idadahilang tumaas ang kanilang kapital dahil sa paglakas ng dolyar.
Pero, Suki, alam naman ng kanilang maitim na budhi na matagal nang nakatago sa kanilang bodega ang nasabing mga paninda.
Bago pa sumadsad ang palit ng peso sa dolyar.
Sadyang negosyo ‘yan, Suki, tuwing gagalaw ang palitan ng pera pabor sa dolyar ng Amerika.
Comments are closed.