OPISYAL na binuksan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang 2023 IP Month Celebration at 26th Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA) Commemoration sa Presidential Management Staff (PMS) Building sa siyudad ng Maynila noong ika-2 ng Oktubre 2023.
Ang IPRA o Republic Act No. 8371 ay isinabatas at nilagdaan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos noong ika-29 ng Oktubre 1997, upang itaguyod ang kapakanan at karapatan ng 110 ethnolinguistic groups na matatagpuan sa pitong rehiyong etnograpiko.
Ang Proklamasyon Blg. 1906-A, s. 2009 naman, pirmado ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ay nagdedeklara sa buwan ng Oktubre bilang National Indigenous Peoples Month. Ang Presidential Proclamation No. 486 s. 2003 ay nagdedeklara naman sa ika-29 ng Oktubre taon-taon bilang National Indigenous Peoples Thanksgiving Day.
Ang selebrasyon sa taong ito ay may tema na: “Pagpapayaman ng Pamanang Kultura at Katutubong Yaman Tungo sa Mas Maliwanag na Kinabukasan Para sa Bagong Pilipinas.” Binibigyang-diin ng temang ito ang kahalagahan ng pangangalaga sa ating mayamang kultura at pamana ng lahi, ang importansya ng pag-alaala sa ating pinagmulan, at ang pagkakaisa ng mga Indigenous Cultural Communities (ICCs). Ipinaaalala rin nito ang papel ng mga IPs (Indigenous Peoples) sa pagbuo ng bansa at ang kanilang mga ambag sa ating kultura at kasaysayan.
Ayon kay NCIP Chairperson Jennifer Pia Sibug-Las, ang isang buwang pagdiriwang ay daan upang itaguyod ang pagkakaisa at pagkakasundo ng mga kapatid nating IP at yaong mga hindi IP upang malagpasan nating lahat ang mga balakid ng diskriminasyon at nang tayong lahat ay sama-samang magtulungan tungo sa pagtataguyod ng bayan.
Ayon pa rin sa kanya, isa rin itong paraan upang maipakita natin ang ating pasasalamat sa mga IPs at ICCs para sa kanilang mahahalagang kontribusyon at upang ipahiwatig din ang ating pag-asa na magkakaroon tayo ng mas magandang bukas habang ating pinagyayaman ang ating kultura, katutubong pamana, at yaman ng ating lahi.
(Itutuloy)