ANG komunidad ay nananatiling isang mahalagang bahagi ng pundasyon ng ating criminal justice system.
Iginiit nga ng Department of Justice (DOJ) ang kahalagahan ng kooperasyon ng bawat sektor sa lipunan, kabilang ang pribadong sektor, sa pagganap ng kanilang tungkulin upang mapanatili ang kaayusan at hustisya.
Isang kontrobersyal na isyu ngayon ay ang P10 milyong pabuya mula sa pribadong sektor para sa agarang pag-aresto kay Pastor Apollo Quiboloy, ang lider ng Kingdom of Jesus Christ.
Ang alok na ito ay nagbunsod ng mga katanungan mula sa kampo ni Quiboloy, na pinagdududahan ang pagtanggap ng gobyerno ng pera mula sa pribadong sektor para sa layuning ito.
Sa isang press briefing sa Malacañang, ipinaliwanag ni Justice Undersecretary Jesse Hermones Andres na ang sistema ng hustisya ay may limang pundasyon, kabilang na ang komunidad.
Ang bawat isa sa mga pundasyong ito ay may obligasyon na makipagtulungan upang matiyak ang maayos na proseso ng hustisya.
Ayon kay Andres, may insentibo man o wala, tungkulin ng komunidad na bigyan ng pagkakataon ang mga inaakusahan na ipagtanggol ang kanilang sarili at linisin ang kanilang pangalan.
Dagdag pa rito, sinabi ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na si DILG Secretary Benjamin Abalos ang makakapagbigay-linaw kung sino-sino ang mga indibidwal na nag-alok ng milyong pisong pabuya para sa paghuli kay Pastor Quiboloy.
Tiyak naman na walang masamang hangarin si Abalos sa kanyang mga hakbangin.
Ang tanging layunin ni Abalos ay makatulong sa pagpapanatili ng kaayusan at sa pagdakip sa mga puganteng kagaya ni Quiboloy.
Sa pagtingin sa isyung ito, mahalagang kilalanin ang papel ng bawat miyembro ng komunidad sa proseso ng hustisya.
Ang pagkakaroon ng pabuya ay maaaring magsilbing karagdagang insentibo, ngunit ang pangunahing tungkulin ng komunidad ay manatili: ang makipagtulungan para sa ikabubuti ng lahat.
Tunay na ang hustisya ay dapat maghari, at ang bawat isa sa atin ay may papel na ginagampanan upang matiyak na ito’y makakamtan.
At tunay na sa ating pagkakaisa at kooperasyon ang magiging susi sa pag-abot ng tunay na hustisya.
Tulungan natin ang ating pamahalaan at ang bawat isa na maisakatuparan ang layuning ito para sa isang mas mapayapa at makatarungang lipunan.