SA KASALUKUYAN, umabot na sa higit 400,000 ang kabuuang bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa. Ayon sa datos ng Department of Health, sa kabuuang bilang na ito, nasa higit 24,000 ang bilang ng aktibong kaso at nasa higit 8,000 ang bilang ng mga nasawi. Kung maaalala, nagpatupad na ng iba’t ibang uri ng community quarantine sa bansa upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa nasabing virus. Patuloy rin ang mga mamamayan sa pagsunod sa mga pangunahing panuntunan ukol sa pag-iingat laban sa virus gaya ng pagsusuot ng mga face mask at face shield kapag lumalabas ng bahay, at ang pagsunod sa social distancing. Ang susunod nang hakbang ay ang pagpapabakuna.
Ang buong mundo ay umaasa sa mga siyentista sa pagdiskubre sa bakunang susugpo sa COVID-19. Sa kanila nakasalalay ang muling pagbabalik ng lahat sa normal at ang tuluyang pagbangon ng mga ekonomiya ng mga bansang lubhang naapektuhan ng COVID-19.
Gaya ng inaasahan, isa ang bansang US sa nangunguna sa pagdiskubre sa nasabing bakuna. Ayon sa Pfizer, ang higante sa industriya ng biote-knolohiya sa US, at ang kasosyo nitong kompanya mula sa Germany na BioNTech, tapos na sila sa ikatlong yugto ng paggawa ng bakuna noong ika-18 ng Nobyembre. Sa ilalim ng ikatlong yugtong ito ay ang pagsusuri sa bisa ng bakunang kanilang nagawa. Ayon sa kanilang datos, nasa 95% ang antas ng bisa ng bakuna sa mga taong lumahok sa pag-aaral na hindi pa nagkakaroon ng COVID-19 at pati rin sa mga nagkaroon na nito. Ang resultang ito ay pare-pareho para sa mga kalahok na may iba’t ibang edad, kasarian, at lahi.
Sa katunayan, humingi na ng pahintulot ang Pfizer sa US Food and Drug Administration (FDA) noong ika-20 ng Nobyembre upang maumpisahan na nilang ilabas ang bakuna. Ito ay upang matugunan ang muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa US. Ayon sa pahayag ni White House Coronavirus Disease Response Coordinator Deborah Birx, ang nakitang muling pagtaas ng kaso sa US sa kasalukuyan ay mas matindi pa kung ikukumpara sa naging pagtaas ng kaso noong unang bahagi ng taon.
Ayon sa Washington Post, nakatakdang magpulong ang komite ng US FDA na nangangasiwa sa bakuna sa ika-10 ng Disyembre upang mapag-usapan ang pag-aproba sa kahilingan ng Pfizer at BioNTech. Ang bakuna na ginawa ng nasabing kompanya ay maaari nang ilabas sa huling bahagi ng buwan ng Disyembre.
Bukod sa Pfizer, ang ikalawang kompanya sa US na nakagawa na rin ng bakuna ay ang Moderna, Inc. Ito ay nakitaan din ng mataas na antas ng bisa. Ayon sa pahayag ng nasabing kompanya, nasa 94.5% ang antas ng bisa ng kanilang bakuna. Gaya ng Pfizer, ang Moderna ay nasa ikatlong yugto na rin ng kanilang pagsusuri ukol sa bisa ng nasabing bakuna. Nakatakda na ring humingi ng pahintulot ang Moderna sa US FDA upang magamit din ang kanilang bakuna para mapigil ang muli na namang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kanilang bansa.
Napakagandang balita nito para sa buong mundo. Abot-kamay na ang bakuna na susugpo sa COVID-19. Matapos ang halos siyam na buwan na pakikibaka sa nasabing virus, sa wakas, nalalapit na ang paglabas ng sandata na tunay na makakalaban dito. Isang magandang balita rin ang malaman na hindi magpapahuli ang Filipinas sa pagbili ng nasabing mga bakuna.
Ayon sa Philippine Information Agency, nakikipagnegosasyon na ang National Task Force against COVID-19 (NTF COVID-19), sa pangunguna ni Chief Implementer at Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr., sa mga kompanya sa US at UK na gumawa ng mga bakuna. Ayon sa pahayag ni Galvez sa isang virtual press briefing, ang nasabing mga negosasyon ay inaasahang matatapos sa katapusan ng buwan ng Nobyembre. Bukod dito, sinisikap din ng NTF COVID-19 na makapagsara ng negosasyon sa tatlo hanggang apat pang kompanya sa Disyembre upang masiguro na makakakuha ang Filipinas ng sapat na bilang ng bakuna para sa 25 milyong Filipino.
Bilang pagsuporta sa mga negosasyong isinasagawa ng NTF, nagpahayag naman si Pangulong Duterte ng pagbibigay ng pahintulot ukol sa pakikipagnegosasyon sa mga developer mula sa ibang bansa at ang pagbibigay ng paunang bayad para sa mga ito upang masiguro na makakakuha ang Filipinas ng nasabing mga bakuna. Ang mga kompanya ng Johnson & Johnson at Novavax ang kausap nina Galvez mula sa US. AstraZeneca naman ang kausap nila mula sa UK.
Ayon kay Galvez, ang China, US, at UK ang mga bansang natukoy na magsasagawa ng mga clinical trial para sa mga bakuna dito sa Filipinas. “Maganda rin po iyon dahil dumaan po sa proseso ng clinical trial mismo dito sa bansa at the same time makukuha rin natin ang mga ito sa mababang presyo,” dagdag ni Galvez.
Ang mga pakikipagnegosasyon nina Galvez at ng NTF sa iba’t ibang kompanya ng parmasyotiko ay bahagi ng mga pagsisikap ng pamahalaan na masiguro ang pagkakaroon ng mabisang bakuna sa abot-kayang halaga laban sa COVID-19 sa ilalim ng Philippine National Vaccine Roadmap.
Inaasahan ang pagdating ng mga bakuna sa bansa sa Hunyo o Hulyo ng susunod na taon. Ang bayad sa mga ito ay padadaanin sa Asian Development Bank (ADB). Ayon kay Galvez, hindi pa maaaring sabihin kung magkano ang presyo ng mga bakuna kada piraso.
“Naka-allot po kami ng more or less, nasa range ng ₱30 billion to ₱50 billion – ‘yung vaccine pa lang po ‘yun. We will allocate maybe twice of that ‘yung logistics and mobilization kasi mas mahal ‘yung tinatawag nating supply chain,” pahayag ni Galvez.
Ito ay maituturing na napakagandang balita. Ang pagiging maagap ng pamahalaan sa ganitong uri ng sitwasyon ay napakahalaga para sa ating lahat. Ang nalalapit na paglabas ng bakuna ay nagbibigay ng pag-asang maiiwasan na ang lalong pagdami ng mga negosyong nagsasara bilang epekto ng pandemya. Ang bakuna laban sa COVID-19 ay nagsisilbing kasiguraduhan na nalalapit na rin ang tuloy-tuloy at mabilis na pagbangon ng ating ekonomiya. Pasasaan ba’t kikilalanin na naman ang ating bansa bilang isa sa mga bansang may mabilis na pag-unlad sa Asya gaya noong bago pumasok ang pandemya sa eksena.
Ako ay lubos na umaasa na malapit na ring dumating ang panahon kung saan babalik na ang lahat sa normal – hindi na kakailanganing magsuot ng mga mask, maaari nang makapamasyal at makabiyahe upang maibsan ang stress sa buhay. Ako rin ay nagagalak na malapit nang dumating ang panahon na maaari na nating makapiling ang ating mga mahal sa buhay lalo yaong mga nasa ibang bansa anumang oras natin naisin. Nawa’y ito rin ay maging daan na mabawasan na ang mga nagkakaroon ng problema sa kanilang mental health.
Comments are closed.