ANG PAGBABALIK NG FÊTE SA PISIKAL NA ENTABLADO

NAKATUTUWANG makita ang pagbabalik ng mga pre-pandemic activities ngayong dahan-dahang tayong bumabalik sa ating mga nakasanayan o sa new normal nating lifestyle. Isa na rito ang taunang libreng music event na Fête de la Musique na nagkaroon ng online editions noong 2020 at 2021.

Ngayong 2022, nagbabalik na ang festival bilang isang pisikal na set-up.

Magkakaroon ng live celebrations sa buong bansa: Siargao Island Stage (June 21), Makati Pocket Stages (June 24), Sofitel Manila Stage (June 23, 24), Cebu Island Stages (June 25, 26), Baguio Island Stage (June 26), Palawan Island Stages (June 26, 28), at Main Stage sa Puerta Real Gardens, Intramuros (June 25 sa ganap na alas-4:00 n.h.). Hindi lang ito magiging pagtatanghal ng musika at ng mga musikero, kundi pagpapasigla na rin ng mga prime tourist destinations ng bansa. Ito ay alinsunod sa kolaborasyon ng Fête at ng Department of Tourism (DOT).

Handog ng Alliance Francaise de Manille, ang Fête ay idinaraos sa loob ng 130 bansa. Ito ay pagtatanghal ng ilan sa mga mahuhusay na musikero dito sa atin at mula sa labas ng Pilipinas. Ngayong taon, magkakaroon ng French-Filipino cross-cultural exchange habang isinusulong ang kapangyarihan ng musika na makapagpagaling, lumikha ng mga bagong kaibigan at katuwang, at magtaguyod ng suporta para sa mga komunidad. Ang ika-75 na anibersayo ng Franco-Philippine bilateral relations ay ilulunsad din dito.

Upang makita ang kumpletong listahan ng mga pagtatanghal, maaaring bisitahin ang Facebook page na ito: https://www.facebook.com/FetePH/