SA TOTOO lang, hindi ako nasorpresa sa aktibong pagbibigay ng mensahe na lalaban muli ang dating mayor ng Maynila na si Francisco Domagoso o mas kilala bilang si Isko Moreno.
Noong manalo siya bilang mayor ng Maynila noong 2019, mas kilala siya sa tawag sa kanya na Yorme.
Si Isko Moreno ay mas nakilala sa pananalitang kalye. May lengguwahe kasi si Isko na madaling intindihin ng masa. Binabaligtad niya kasi ang mga ibang salita tulad ng oblo (loob), wakali (kaliwa), yadba (bayad), etneb (bente), gedli (gilid), sokpa (pasok), tosgas (gastos), lespu (pulis), at marami pang iba.
Dahil dito, at sa likas na palakaibigan at gandang lalaki, malapit na malapit siya sa masa. Kaya hindi kataka-taka na nanalo siya bilang ika-23 mayor ng Manila mula 2019 hanggang 2022.
Para sa akin, nagkamali siya ng hakbang nang siya ay sumubok na tumakbo bilang pangulo ng ating bansa noong nakaraang eleksiyon. Marahil ay siya pa rin ang mayor ng Maynila ngayon kung siya ay muling lumaban para sa re-election.
Ang kasalukuyang Manila mayor ay si Dra. Honey Lacuna, na anak ng dating vice mayor ng Manila na si Danny Lacuna.
Maganda ang samahan ng mga Lacuna at ni Moreno. Sa katunayan, kinupkop ni Danny Lacuna si Moreno sa lokal na partido sa Maynila na “Asenso Manileño” kung saan ang matandang Lacuna ang namumuno rito.
Ito ang ginamit na partido ni Moreno upang labanan ang dalawang katunggali niya noong 2019 mayoral election. Ang dating mayor na si Alfredo Lim at ang naghahangad ng re-electionist na si dating pangulong Joseph Estrada.
Isang landslide victory ang pagkapanalo ni Moreno laban kina Estrada at Lim. Ang vice mayor ni Moreno, na nagwagi rin, ay si Honey Lacuna.
Maganda ang samahan nila. Sinuportahan ng mga Lacuna ang kampanya ni Moreno sa pagkapangulo. Subalit hindi nga nanalo si Moreno.
Matapos ang dalawang taon, tila nag-iba ang ihip ng hangin. Tila nais ni Moreno na bumalik sa Maynila. Paano na si Mayor Honey Lacuna? Tulad ni Moreno noong 2022, hindi pa nag-iinit bilang mayor ay umalis na sa puwesto para sa mas mataas na posisyon.
Iba naman ang kaso ni Honey Lacuna. Hindi pa siya nag-iinit sa puwesto ay tila mapapalitan na siya agad. Mabigat ang laban ni Lacuna kapag itinuloy ni Moreno ang balak niyang bumalik bilang mayor ng Maynila.
Tiyak ako na mas malimit na lilibot sina Lacuna at Moreno sa mga kababayan nila sa Manila sa mga susunod na buwan. Maagang kampanya, ika nga. Abangan!