ANG PAGBABALIK SIGLA NG BASKETBOL SA PILIPINAS

NOONG nakaraang linggo, hindi ako magtataka kung karamihan ng ating mga kababayan ay nanood ng Game 7 ng PBA Commissioner’s Cup Finals sa pagitan ng Barangay Ginebra at ng dayuhang koponan na Bay Area mula sa China.

Umabot sa 54, 589 ang dumagsa sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan upang magbigay suporta sa Barangay Ginebra kontra kanilang kalaban.

Nagmistulang isang international tournament ang nasabing laro. Iba talaga tayong mga Pinoy kung basketbol ang pag-uusapan. Halos lahat ng Pilipino ay magbibigay ng kanilang opinyon kapag ang basketbol ang paksa ng usapan.

Maski na walang pormal at karanasan sa mataas na lebel ng paligsahan sa basketbol, akala mo ay mas mahusay pa sa mga batikan at beteranong manlalaro at coach kung magbigay ang ating mga kababayan ng kanilang opinyon sa basketbol.

Patunay lamang ito kung gaano kalapit ang basketbol sa ating puso. Dahil din dito, naging isang malaking negosyo ang basketbol. Malalaking korporasyon ang nagbibigay suporta sa iba’t ibang torneo, hindi lamang sa Pilipinas, kundi pati sa international tournaments.

Hindi kaila sa atin na ang Pilipinas ay isa sa mga pangunahing host para sa FIBA World Cup na gaganapin sa Agosto.

Kasama ng Pilipinas ang Japan at Indonesia. Subalit ayon sa FIBA, ang kampeonato o finals ng FIBA World Cup ay gaganapin sa Pilipinas. Opo. Sa ating bansa. Ito ay magaganap sa Philippine Arena kung saan nangyari ang PBA Commissioner’s Finals sa pagitan ng Barangay Ginebra at ng Bay Area Dragons.

Kaya, parang nakikita ko na ang dami ng manonood sa atin sa mga laban ng iba’t ibang bansa na nag qualify sa FIBA World Cup. Makikita natin dito ang mga superstars ng NBA at ganoon din ang mga iba pang manlalaro sa ibang bansa na hindi kataka-taka na makikita rin natin sila sa NBA sa mga susunod na taon.

Para naman sa Gilas Pilipinas, huwag na tayong mag- ilusyon na papasok tayo sa finals. Ang mahalaga ay makita natin ang mga manlalaro ng Gilas Pilipinas na kumikikig at lumalaban kung sino man ang kanilang makakaharap, manalo man o matalo. Huwag naman sana nating batikusin muli si coach Chot Reyes. Tapos na ‘yun. Move on na tayo. Maganda ang kanyang ipinakita bilang coach na nagkaroon ng sapat na preparasyon kontra Jordan noong nakaraang sagupaan nila at nanalo tayo.

Suportahan natin ang Gilas Pilipinas at ang Samahang Basketbol ng Pilipinas para maging matagumpay ang pag-host ng ating bansa. Ang ating pamahalaan ay tutulong sa nasabing kaganapan. Malaki ang magiging balik nito sa ating ekonomiya. Batay sa huling FIBA World Cup na ginanap sa Spain, malaki ang naitulong nito sa kanilang ekonomiya lalong-lalo na sa turismo.

Kaya ihanda na natin ang ating sarili sa mga susunod na buwan at muling manunumbalik ang alab at sigla natin sa basketbol.