NAKAPANLULUMO ang naging desisyon ng Commission on Higher Education (CHED) na katayin na ang subject na Filipino at Philippine literature sa kolehiyo.
Bukod sa CHED, kinatigan din ito ng Korte Suprema, kaya pinal na ito, at malaya nang ibasura ng mga kolehiyo at unibersidad, lalo na ‘yang mga pribado, ang pag-aaral ng Filipino at Philippine literature.
Ano ang wisdom sa likod ng ginawang pagbasura sa Filipino at Philippine literature mula sa curriculum sa kolehiyo? Para mabawasan ba ang oras na ilalagi ng mga mag-aaral sa kolehiyo at mas mababang tuition fee dahil kumakain din ito ng nine units sa kolehiyo?
Kung hindi ‘yun ang dahilan sa likod nito e lubhang mahiwaga ang talinong ginamit ng CHED at Korte Suprema sa naging desisyon nila.
O kaya naman, may mas prayoridad bang mga college units na ipapalit sa mga ito, katulad halimbawa ng space race tech studies o industrial robotics?
Kung hindi rin ito ang dahilan sa likod ng pagbasura ng mga ito sa Filipino at Philippine literature ay lubhang mahiwaga ang talinong ginamit ng mga ito.
Mapapansin na ang pinaka-successful na mga bansa sa buong daigdig ay sariling wika nila ang gamit sa kani-kanilang education instruction. Ang mga Hapones ay sarili nilang wika ang gamit, ang mga Chinese ay ganoon din, ang mga Ruso ay ganoon din, at ang mga Koreano, at halos ganyan ang trend sa buong daigdig, maliban sa Estados Unidos at United Kingdom na talaga namang Ingles ang kanilang native language.
Tayo na nagdarahop na bansa ay mas piniling kitilin ang sariling lengguwahe at ang pag-aaral sa sariling literatura sa kolehiyo.
Kung nais lamang naman talagang paigsiin ang ginugugol na oras ng mga estudyante sa kolehiyo ay mas maiging ibasura ang dagdag na dalawang taon sa basic education dahil imbes na 12 taon ang inilalagi ng mga ito sa elementarya at high school ay nagiging 14 taon. Bilangin nga ninyo ang Kinder 1 at Kinder 2, e ‘di maliwanag 14 years na! Sobra tayo ng dalawang taon!
Naturingang katatalino ng mga PhD na mga ito ngunit nanatiling nahihiwagaan ako sa ginamit nilang talino sa pagbasura sa Filipino at Philippine literature sa kolehiyo.
Comments are closed.