ANG PAGBUO NG GABINETE NI BBM

TAPOS na po ang eleksiyon. Batay sa lumalabas na partial at unofficial results ng botohan mula sa Comelec sa pamamagitan ng transparency media server (TMS) na maaaring agaran na makita ng mga taga- media, malinaw na napakalaki ng lamang ni Bongbong Marcos laban sa pumapangalawa sa kanya na si VP Leni Robredo.

Ayon sa pinakahuling resulta, habang isinusulat ko ang kolum ko, may 98.42% na ang national election returns. Si BBM ay nakakuha na ng 31,103,857. Samantalang si Robredo naman ay may 14,821,962 votes. Hindi pa nagko-concede si VP Leni, subalit sa laki ng lamang ni BBM, oras na lamang ang hinihintay upang tanggapin ng kampo ni Leni ang resulta ng katatapos na eleksiyon.

Mataas ang emosyon ng mga sumusuporta sa kani-kanilang kandidato sa pagkapangulo. Ang iba ay isinantabi ang pagkakaibigan o pagiging kamag-anak alang-alang sa kanilang paninindigan at paniniwala na karapat-dapat ang kanilang kandidato na mamuno ng ating bansa. Ang iba sa kanila ay nagbintang agad ng malawakang pandaraya na naganap noong eleksiyon subalit wala namang ebidensiyang mailabas.

Sa totoo lang, marami ang nagbabantay noong panahon ng eleksiyon hanggang sa bilangan ng boto. Tulad ng sinabi ko, mga kilala at respetadong organisasyon ng media ang binigyan ng access upang makita nila ang resulta ng bilangan na parehas na natatanggap ng Comelec.

Ang National Citizen’s Movement for Free Elections (NAMFREL) at ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na parehong binubuo ng mga mamamayan at miyembro ng simbahan ay nagbigay na ng pahayag na wala silang nakikitang irregularities sa kanilang pagbabantay ng mga election return.

Tanggapin natin ang boses ng nakararami. Panawagan ko rin sa mga sumuporta sa pagtakbo ni Robredo, hindi nagtatapos dito ang kanilang adbokasiya na paghahangad ng maayos na gobyerno.

Bantayan natin ang susunod na hakbang at polisiya ni BBM. Patunayan niya dapat na mali ang mga paratang sa kanya kung sakaling siya ang maluklok bilang pangulo ng ating bansa. Ang sambayanan ang makikinabang dito.

Dahil dito, may mga umiikot ng balita tungkol sa komposisyon ng mga miyembro ng kanyang gabinete.

Nagbigay ng pahayag si BBM noong isang araw na inumpisahan na niya at ang kanyang pangunahing grupo upang mamili ng mga miyembro ng kanyang gabinete.

Ang kauna-unahang anunsiyo ni BBM na si Vice President-elect Sara Duterte ang susunod na mamumuno ng DepED. Ayon kay BBM, tinanggap ni Duterte ang hamon na ito dahil mahalaga sa kanya na ayusin ang sistema ng edukasyon sa ating bansa lalo na at may mga anak pa siyang nag-aaral.

Ang ibang lumulutang na mga pangalan na maaaring makasama sa gabinete ay mga pulitiko na tumulong kay BBM noong panahon ng kampanya. Tila naging kaugalian na ito. Karamihan na ina-appoint ng Pangulo ay mga politiko. Sana naman ay iwasan o kaya naman ay bawasan ni BBM ang ganitong sistema. Hindi ko minamaliit ang mga politiko. Subalit kung nais ng susunod na administrasyon na maging matagumpay ang kanyang pamahalaan, kailangan niyang pumili ng mga magagaling sa nasabing industriya o ‘technocrats’ upang mamuno sa isang departamento ng gobyerno.

Kung sa Dept. of Finance, kailangan ay isang magaling na ekonomista o bangkero ang mamuno dito. Sa Dept. of Energy, dapat kumuha mula sa industriya ng enerhiya. Mahalaga ang sektor na ito. Kailangan ng bansa ng energy security dahil manipis palagi ang suplay ng koryente sa bansa. Ganoon din sa mga iba pang departamento ng ating gobyerno. Mahalaga na may karanasan at eksperto sa nasabing industriya ang mga susunod na miyembro ng gabinete ni BBM.