ANG PAGBURA SA TERORISMO

MASAlamin

PAMBIHIRA ang kasamaang dala ng terorismo. Maaalalang buwan ng Setyembre, taong 2013 o halos anim na taon na ang nakararaan, hinimok ni Pope Francis at ni Grand Mufti Ahmad Badreddin Hassoun, isang lider ng mga Muslim sa Syria, ang buong mundo na magdasal at mag-ayuno para sa bansang Syria na sinisibasib noon ng pambobomba ng nakalalasong kemikal na umuutas sa lahat ng tamaan ng mga ito noon.

Wala pang ISIS na pinag-uusapan noon, administrasyon pa lamang ni  Syrian President Bashar al-Assad na isinasagawa ang malagim na pambo­bomba umano laban sa mga rebelde.

Ngayon mas alam na natin, ISIS pala ang mas matinding unos na parating na yuyogyog sa buong daigdig. May ISIS na pala sa Iraq pa lamang matapos umalis ang mga Amerikano roon.

Dati ni walang nauulinigang ISIS na nag­hahanap ng caliphate na sasagpangin, nga­yon full-blown tumor na ang terorismo ng ISIS na nananalasa maging sa Filipinas na rin.

Ang buong mundo ay nasa ilalim ngayon ng bangis ni satanas sa pamamagitan ng ISIS. Magdasal nawa ang bawat isa sa atin upang masugpo ang kanser ng lipunan na ito na pinuspos ng maling ide­yolohiya at paniniwala.

Magdasal tayong ilabas ng Panginoong Diyos ang kanyang kanang kamay at tirisin ang mga kampon ni satanas na nagtatago sa likod ng terorismo at lagim.

Ipagdasal nating iyapak ng Panginoong Diyos ang kanyang paa at durugin ang mga kampon ng demonyong humihiram ng tapang sa likod ng armas at bilang, na nananaginip ng panaginip na ibinaon ni satanas sa kani-kanilang mga bungo na walang laman.

Comments are closed.