ANG PAGDURUSA NG KABATAAN SA ILALIM NG PANDEMYA

TATAK PINOY

KASISIMULA lang ng taong ito, kung ano-anong malulungkot at masasalimuot nang pangyayari at balita ang nasasagap natin. Isa rito ang isiniwalat ng kasamahan nating senador na si Senator Win Gatchalian kamakailan.

Ayon po sa kanya, tila dumarami sa mga kabataan natin ngayon ang kapit-patalim para lamang matustusan ang kanilang distance-learning expenses at makabili ng gadgets at mabayaran ang kanilang internet connectivity.

Para sa isang magulang tulad natin, napakalungkot na maririnig mo ang ganitong uri ng balita patungkol sa mga kabataan.

Umano, sa website na Philippine Online Student Tambayan o POST, mayroon daw thread doon noong Disyembre na may titulong “Christmas Sale” kung saan ginagamit ito ng mga mag-aaral para ibenta ang kanilang mga larawan o video na nagpapakita ng ilang maseselang bahagi ng kanilang katawan.

Ilang taon na rin ngayon mula nang simulang i-monitor ng international groups ang Filipinas dahil nagiging epicenter na ito ng online sexual exploitation of children o OSEC.

At bagaman patuloy ang magkaakibat na paggiba ng local at foreign law enforcement sa ilang organisasyong nasa likod ng krimeng ito, at maraming bata na rin ang nailigtas sa mga operasyon ng mga awtoridad, lumalabas na patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga ito, base sa OSEC cyber tips na natanggap ng Department of Justice noong nakaraang taon.

Nagsimulang tumaas ang bilang ng OSEC mula Marso hanggang Mayo 2020 habang nasa kasagsagan tayo ng community quar-antine. Ang ilang dahilan umano rito ay dahil sa desperasyong dinaranas ng mga pamilya, ang pagtigil ng face-to-face classes at ang mas malayang exposure ng mga kabataan sa internet.

Pero bukod sa OSEC, isa rin sa mas lumawak na problema nang humagupit ang pagdami ng teenage pregnancies base sa ulat ng Commission on Population and Development o POPCOM.

Ayon sa kanila, 7 porsiyento ang itinaas sa bilang ng teenage pregnancies, kung saan,  karamihan sa kanila ay mga batang may edad 15 pababa. Ito ay base sa pananaliksik ng POPCOM mula 2018 hanggang 2019, o mas pinalalang senaryo mula nang unang dumami ang kaso nito noong 2011.

Naniniwala rin ang ahensiya na posibleng nang magsimula ang pandemya at ang community quarantines at lockdowns, mas nag-ing matindi ang problemang ito sa bansa. Kung hindi mareresolba ang suliraning ito sa lalong madaling panahon, tiyak na malalagay sa alanganin ang kinabukasan ng ating mga anak na babae. Una, posibleng hindi na sila makapagtapos ng pag-aaral at pangalawa, maaaring maapektuhan ang pagtupad ng kanilang mga pangarap sa buhay.

Tulad nga ng nasabi natin noong nakaraan nating pitak, nakalulungkot na nang dahil sa pandemyang ito, bumagsak ang enrollment sa mga paaralan, ayon sa ulat ng Department of Education (DepEd).  Noong Agosto ng nakaraang taon, halos 4 na milyong mag-aaral ang hindi nakapag-enroll dala ng iba’t ibang suliranin na kanilang kinaharap. Kalahati ng bilang na ito, ay mga mag-aaral mula sa pribadong paaralan.

Bukod sa suliraning pang-edukasyon, marami rin sa mga kabataan natin ngayon ay dumaranas ng suliranin sa pag-iisip dulot ng pandemya.

Ayon nga sa ulat ng ilang eksperto ng UP, ng National University of Singapore at ng South East Asia One Health University Network noong Agosto 2020, lumalabas na mas dumaranas ng matinding stress, anxiety at depression ang mga batang may edad 12 hanggang higit 21, kumpara sa ibang age brackets.

Ilan lamang ang naturang psychological effects sa mga kabataan sa naging hagupit ng pandemya sa bansa at sa iba’t ibang panig ng daigdig.

At kung hindi ito agad na mareresolba, tiyak na malaki rin ang magiging epekto nito sa pagbabangon ng ekonomiya sa iba’t ibang bahagi ng global.

6 thoughts on “ANG PAGDURUSA NG KABATAAN SA ILALIM NG PANDEMYA”

Comments are closed.