HALOS 150 araw ang itinagal ng welga ng mga Hollywood writer na miyembro ng Writers Guild of America (WGA).
Nito lamang nagdaang araw sila nagkaroon ng kasunduan, na inaasahan naman ng lahat na tutuldok na sa welgang ilang buwan na ring pumilay sa entertainment industry doon.
Dito naman sa atin, nasaksihan ninyo rin marahil nang ipakilala ng GMA Network ang dalawang AI-generated sportscasters nila kamakailan lang. Ang paglimita sa paggamit sa AI technology ay isa lang sa mga isyung ipinaglaban ng WGA members sa nabanggit na welga.
Anila, nawawalan ng halaga ang kanilang trabaho at maaaring magdulot ito ng pagkatanggal sa trabaho para sa ilang manggagawa. Hindi naman mahirap ma-imagine na puwedeng mangyari ito sa ating bansa mismo sa mga darating na panahon.
Kaya ang tanong: Paano pinaghahandaan ng mga manggagawa dito sa atin ang posibilidad na ito?
Sa ngayon, hindi kasing lakas ng WGA ang mga samahan ng manggagawa rito. Sa palagay ko ay oras na, kahit medyo huli, upang magkaisa ang mga propesyunal at manggagawa para naman kaya nilang ipaglaban ang kanilang karapatan at protektahan ang kanilang hanapbuhay kung kinakailangan.
May mga organisasyon naman dito na gaya ng Freelance Writers’ Guild of the Philippines (FWGP), Philippine Sportswriters Association (PSA), Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), Filipino Screenwriters Guild (FSG), at ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na sumusubok na pag-isahin ang mga propesyunal na manunulat upang magawa nilang ikampanya ang kanilang mga isyu. Pero, wala sa mga ito ang kasing laki ng WGA. Kaya ngayon na natatanggap at niyayakap na ng mas marami ang teknolohiyang AI, pati dito sa ating bansa, prayoridad na rin dapat ang pagpapatibay sa alyansa at asosasyon ng mga manggagawa.