BAKIT nga ba nahuhumaling ang mga Pilipino sa manok panabong? Una, marahil, ay ito’y atin nang nakagisnan mula sa ating mga ninuno. Noong araw, ang sabong tuwing Linggo lamang, ngayon ay araw-araw na sa buong Pilipinas. Bakit kaya masyado na tayong nahumaling dito? Nang aking makapanayam ang isang eksperto sa pag-aaral tungkol sa mga tradisyon o kultura ng Pilipino, lumabas na ang sabong ay isa sa mga libangang hindi na mawawala sa buhay ng mga Pilipino.
Bukod sa kabuhayang hatid nito sa milyon-milyong Pilipino, ang sabong din ay sumasalamin sa ugaling maganda ng mga sabungero sa ating bansa. Isang halimbawa rito ay ang palabra de honor kung saan libo-libo ang pustahan, walang pirmahan o kontrata ang bawat isa. Sa senyas lamang ng mga kristo ay nasasara na ang usapan at kung ang isa ay natalo ay agad magbabayad sa kanyang kapustahan. Hindi rin maiiwasan na may pailan-ilan ang sumisira sa magandang mga katangiang ito at kadalasan, sila ay wala nang lugar sa mundo ng sabong.
Ang isa pang nakatataba ng puso ay ang samahang nabubuo dahil sa hilig nating lahat. Samahang walang katulad, ika nga. Hindi maipaliwanag ang kaligayahang dulot ng manok panabong at higit pa riyan ay talaga namang stress reliever ang mga ito. Maraming nagsasabi na nawawala ang kanilang pagod, napapawi ang lungkot, at nagpapasigla sa kanila tuwing sila ay nasa manukan. Nagbibitaw, humihimas at pinagmamasdan ang ganda ng kanilang mga alaga. Ang manok marahil ay nilikha ng Panginoon upang magbigay ng kasiyahan sa ating buhay.
Sa paglibot ko sa buong Pilipinas at pati sa ibang parte ng mundo ay talagang mararamdaman mo ang sobrang hilig ng mga sabungero sa manok panabong. Mga bagay na napakahirap ipaliwanag kung bakit napakainit ng kanilang pagtanggap at taos-pusong pakikitungo.
I am proud to be a sabungero. Mula pa noon nang aking yapusin ang libangang ito, hindi na mabilang ang libo-libong kaibigang naidulot ng manok panabong sa aking buhay!!!
Simula pa noon ay naging adhikain ko na ang ipagtanggol ang sabong sa mga mapanlait at nagbibigay ng masamang imahe rito. Sa ibang bansa, ang sabong ay kalupitan sa hayop, sabi nila, ito ay sugal at nagdudulot ng masama sa kabataan. Sa isang banda ay may katotohanan ang mga ito subalit ano mang bagay na labis at kawalan ng disiplina ang tunay na sumisira sa imahe ng isport na ito. Mahabang balitaktakan at debate tungkol dito at handa akong harapin kung sino man ang magsasabing ang sabong ay walang maidudulot na mabuti sa kapwa.
Natatandaan ko po nang ako ay pumunta sa Big Island sa Hawaii nang makausap ko ang isang matandang sabungero roon, si Neil Sumitani, at aking hinulaan na siya ay 75 taong gulang na. Ang lakas ng kanyang tawa at sinabi sa aking siya ay 90-anyos na. Nagulat ako at ‘di makapaniwalang napakalakas pa niya, malusog at walang karamdaman. Nang aking tanungin kung ano ang kanyang sikreto ay simple lamang ang kanyang tugon, “These chickens is what keeps me alive,” aniya.
Isa lamang po ito sa napakaraming kuwentong sabungero na aking ihahatid sa inyo tuwing Linggo sa Pusong Sabungero.
Maraming salamat po!
Comments are closed.