Naniniwala ka ba sa milagro?
Isang milagro para sa mga deboto ng Santo Nino de Tondo ang paghinto ng malakas na ulan noong 1972 nang maibalik sa simbahan ang nawawalang imahe ng Santo Niño de Tondo na nawala noong July 14, 1972.
Ang mga acolytes nina Fr. Lorenzo Egos at Fr. Tom Gonzales ang nakatuklas na wala ang imahe ng Sto. Nino sa dati nitong lugar.
Sa pagkatuklas na ito, nagsimula na ang pag-ulan ng malakas na naging sanhi ng matinding pagbaha sa Central Luzon kasama ang Pampanga at Maynila.
Noong una’y inakala ng lahat na tag-ulan lamang kaya bumuhos ang ulan, ngunit nagpatuloy ito.
By the way, ang Santo Niño de Tondo ay yari sa kahoy ang katawan ngunit ivory ang kamay at mukha. Dinala ito sa Pilipinas ng mga prayle mula sa Acapulco, Mexico noong 1570s.
Sa pagkawala ng imahe, nanawagan ang dating Mayor ng Maynila na si Mayor Ramon Bagatsing na ibalik ito sa paniniwalang ito ang makakapagpatigil sa ulan.
Agad namang natagpuan ang katawan ng Sto Nino sa Manuguit, ngunit wala ang mukha at kamay nito. Ang Manuguit, Tundo ay malapit lamang sa simbahan.
Bilang debotong Katoliko, sinabi ni dating First Lady Imelda Marcos na pansamantala munang ilagak sa Malacañang ang imahe habang hindi pa natatagpuan ang iba pa nitong bahagi, na nabili pala ng isang nagngangalang Eleuteria Pascual, nagmamay-ari ng Gallery sa Vito Cruz Manila. Isinoli niya ito matapos narinig ang panawagan noong Agosto (1972) – ngunit patuloy pa rin ang pag-ulan.
Dahil dito, ipinatawag ni Mrs. Marcos si Bishop Amado Paulino, Kura Paroko at ang kanyang dalawang assistant na sina Fr. Gonzales at Fr. Egos para kumpirmahin kung ang nakuha nilang mga bahagi ay authentic.
Matapos kumpirmahin at buuin ang imahe, nagdaos ng Banal na Misa si Fr. Gonzales sa Malacanang at nagbigay ng homilya na pinamagatang “Joy and happiness in the returned of Sto.Nino. “
Mula Malacañang ay nagprusisyon sila pabalik sa Simbahan ng Tondo, at unti-unti nang huminto ang ulan. Sumikat na rin ang araw.
Mula noon, ipinagdiwang na ang Araw ng Pagbabalik ng Sto.Nino ng mga taga Tundo tuwing ika-2 ng Agosto, at ang fiesta naman ay tuwing Enero, araw ng Linggo matapos ang January 9 na fiesta naman ng Poong Jesus Nazareno sa Quiapo.
Nenet Villafania