ANG PAMANA NG MABUTING PANGALAN

KAHAPON, ika-27 ng Nobyembre, ay ang ika-90 anibersaryo ng kapanganakan ng dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. na binaril noong ika-21 ng Agosto 1983. Kahapon din ay ang unang Linggo ng Adbiyento. Nagkaroon ng isang banal na misa na pinangunahan ni Fr. Tito Caluag.

Mayroon ding parangal para kay Ninoy na ginagawa ang Ninoy and Cory Aquino Foundation sa kanilang Facebook page. Pinamagatang “Ninoy 90: Called to be A Hero”, layon nito na gunitain at parangalan ang pagkabayani ni Ninoy. Ang mga post na nagbibigay pugay sa kanya ay maaaring gumamit ng mga sumusunod na hashtag: #Ninoy90 #CalledToBeAHero #NinoyIsAHero #AquinoLegacy #NinoyAndCory #NinoyAquino #PHhistory

Naiwan ni Ninoy ang napakahalagang pamana, ang kanyang malinis na pangalan at integridad. Sa isang sulat na kanyang binigay para sa nag-iisang anak na lalaking si Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III, sinabi niya: Ginawa ko ang lahat habang ako ay nagseserbisyo sa publiko upang mapanitiling malinis at kagalang-galang ang ating pangalan. Ipinagmamalaki niyang ipinasa sa kanyang nag-iisang anak na lalaki ang kanilang pangalan na kasing-busilak nang ito ay ipasa rin sa kanya ng kanyang ama at lolo.

Ang lolo ni Ninoy, si Heneral Servillano Aquino, ay dalawang beses napatawan ng kamatayan ng mga Kastila at Amerikanong mananakop. Ngunit, nagawa niyang malagpasan ang mga pangyayaring ito. Ang kanyang tatay naman na si Benigno Aquino St., na ikinulong din ng mga Amerikano noon, ay napatunayan ding walang sala.

Sa aking palagay, nagawa ring panatilihing marangal at malinis ng dating pangulong Noynoy Aquino ang pangalan ng kanilang pamilya sa pamamagitan ng tapat na paglilingkod sa taong bayan.
(Itutuloy…)