(Pagpapatuloy…)
Maraming tao ang nag-iiwan ng yaman at mga ari-arian sa kanilang kaanak sa kanilang pagpanaw. Bilang isang pampublikong opisyal ay naging abala si Ninoy Aquino sa pagseserbisyo sa kanyang mga kababayan.
Dahil dito, hindi niya nagawang magpayaman para sa sariling pamilya. Kung ikaw ay anak ni Ninoy at alam mo ang mga isinakripisyo ng iyong ama—kabilang na ang pagbubuwis ng sariling buhay—para sa bayan, mamaliitin mo ba ito? Hindi mo ba iingatan ang inyong pangalan? Sa palagay ko ay hindi.
Ang sinumang anak ng isang taong gaya ni Ninoy ay gugustuhing ingatan ang dangal ng pamilya. Tandaan natin ito sa susunod na tayo ay makakita o makabasa ng malisyosong istorya tungkol sa kanya o kanyang pamilya. Nauukol din ito sa iba pang bagay. Mainam na maging bukas lagi ang isip at maging matalino sa pagtanggap ng mga nadidinig at nababasa, kaysa paniwalaan ang lahat ng ating nakikita.
Pinatay si Ninoy halos 40 taon na ang nakalilipas. Ang sakit na dulot nito sa kanyang pamilya at kaanak ay narito pa rin. Ngunit hanggang sa araw na ito, patuloy tayong nagpapasalamat sa kanyang inialay na buhay at serbisyo. Sinabi niya noon na karapat-dapat ang Pilipino na pag-alayan ng buhay.
Hindi niya basta-basta binitawan ang mga katagang ito sapagkat buong tapang niyang hinarap ang kamatayan para sa kanyang mga kababayan. Sa okasyong ito, ipinagdarasal natin ang katahimikan ng kanyang kaluluwa, pati na rin ang walang humpay niyang gabay sa ating mga naiwan, habang patuloy nating hinaharap ang mga pagsubok na dati ay kanyang buong loob na nilabanan.