ANG PANALO NI ALEX EALA AY PANALO NATING LAHAT

TOTOONG hindi nagkukulang sa talento ang mga Pilipino.

Ngunit sa mga nakaraang taon, said na said sila sa suporta lalo na pagdating sa training at sports development.

Salat din sa subsidy sa mga bayarin upang makasali sa pandaigdigang kompetisyon.

Humirit daw ng saklolo at suporta ang ating mga pambansang atleta sa mga dating administrasyon.

Halos wala raw silang makuha.

Mapapa-‘sanaol’ na lang tayo kapag kaharap na natin ang mga dayuhang atleta kung saan kitang-kita kung papaano sila sinusuportahan at inaalagaan ng kanilang gobyerno.

Ang mga gustong-gusto talagang mamayagpag sa kanilang larangan, humuhugot mula sa bulsa ng mga magulang upang maipagpatuloy ang pagsasanay.

Hindi birong gastusin na dolyares ang inilalabas.

Aba’y wala rin namang magagawa ang magulang kundi maghanap ng paraan.

Sayang nga naman kung palalampasin ang oportunidad at talento ng kanilang mahal na anak.

Kumbaga, kanya-kanyang kayod at diskarte.

Kumakatok sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, kasama ang mga lingkod-bayan at pribadong sektor upang makalikom ng pondo.

Hindi nga lang sapat ang nahihingi nilang suporta para makasali sa international competition.

Unti-unti lang daw silang nakakaipon ng lakas at suporta nang pumasok ang pamahalaang Duterte.

Ngayong si Pangulong Bongbong Marcos naman ang nasa Malacañang, mas umiigting pa raw ang suporta para sa ating mga manlalaro.

Dagdag pa riyan ang pag-upo ng kilalang sportsman na si Noli Eala bilang bagong chairman ng Philippine Sports Commission (PSC).

Mahalaga ang pagkakaroon ng foreign coaches at maraming international exposures ng ating mga pambatong manlalaro.

Pinatunayan ito ng 17-year-old tennis sensation na si Alexandra “Alex” Maniego Eala matapos tanghalin bilang kauna-unahang Pinoy na nanalo ng tennis Grand Slam singles title.

Pinakain niya ng alikabok ang katunggaling si World No.3 Lucie Havlickova ng Czech Republic, 6-2, 6-4, sa final ng 2022 US Open girls singles competition na ginanap sa Flushing Meadows, New York.

Hindi talaga matatawaran ang kakayahan ng mga Pinoy na atleta na nagbigay karangalan sa bansa.

Bukod kay Eala, nariyan din sina Manny Pacquiao, Hidilyn Diaz, EJ Obiena at marami pang iba na gumawa ng ingay sa kani-kanilang larangan.

Maganda naman daw ang tinatahak na landas ngayon ng PSC sa ilalim ng liderato ni Eala.

Kasama raw sa mga agarang plano ng ahensya ang pagkumpleto sa miyembro ng lupon; tiyaking nagagawa ang mandato nila; siguraduhin na ang lahat ng mga pambansang atleta ay naghahanda para sa mga susunod na kompetisyon; at ipagpatuloy ang mga programa sa mga katutubo.

Tututukan din daw ng liderato ni Eala ang pagkakaloob sa mga pambansang atleta ng kanilang mga benepisyo habang pinatitiyak din ang implementasyon ng Project Gintong Alay at iba pa.

Tunay na mahalaga na tiyakin na mabibigyan din sila ng lahat ng kailangan para sila ay maging matagumpay.

Isulong ang pagkakapantay-pantay pagdating sa suporta sa mga regular na atleta o para-atleta at burahin na ang ‘palakasan system’.

Nakakalungkot kasing isipin na may ilang personalidad at pulitiko raw na nagsabi na kailangan daw munang makasungkit ng medalya ng mga atleta bago sila suportahan.

Todong suporta ang talagang nararapat na ibigay sa mga atletang Pinoy lalo na sa pagsasanay nila sa ibayong dagat.

Kakayanin nila ang bawat laban dahil marami ang dumadalangin sa kanilang tagumpay.
Sabi nga, ang panalo nila ay panalo nating lahat.