ANG PANANAKOP NG MGA TSINO

rey briones

TODO ang ngawa ng mga kritiko ni Boss Di­gong tungkol sa pananakop ng mga Tsino.

At partikular nilang binubusisi, Suki, ang karagatan ng republika ni Juan.

Ang West Philippine Sea umano ang puntirya ng bansang Tsina.

Kaunting kembot ng Tsina sa tubigan na kanilang tinawag na South China Sea ay kandangawa agad ang nagsisipormang makabayan.

May ilang talentado pa nga, Suki, na inihabla ang presidente ng Tsina.

Dahil sa pang-aagaw sa mga isla ng republika ni Juan at pagsalaula sa ating kalikasan.

May mga politiko naman na ang mga isda sa ilalim ng karagatan ang ginagawang dahilan upang gibain si Boss Digong.

Opkors, para sila ulit ang uupo sa Palasyo.

oOo    

Ipinagtataka ko lang, Suki.

Bakit ang nakikita lang nitong mga kritiko ni Digong ay ang malawak at sobrang layo sa bituka ng mamamayan na pananakop ng mga Tsino.

Ang West Philippine Sea.

Bakit hindi nakikita nitong mga talentadong maka-Amerikano ang pananakop ng mga Tsino sa pang-araw-araw nating buhay.

Saan mang sulok ng Filipinas, Suki, ay kontrolado ng mga Tsino ang kalakalan.

Maliitan man o malakihan.

Bote’t diaryo, itinapong mga plastik at karton, sira-sirang mga gamit at basurang lata…

…sa bodega o junk shops ng mga Tsino ang bagsak. Tama ako, Suki, ‘di ba?

Sa mga pagkain natin sa araw-araw, mas madaling tandaan ang pagkaing hain o imbentong Tsina… sa fast food man o sa fine dining… tama?

Ang mga pabrika… mula pansapin sa paa hanggang sa ulo, sino ang may kontrol?

‘Di po ba mga Tsino.

Maging ang mga pautang ay nailipat na mula sa kamay ng mga Bumbay puntang mga Tsino kasi mas mababa ang interes keysa 5-6.

Kailangan pa bang banggitin kung saan mall nagpapalipas ng oras ang mayayaman man at maralita tuwing tag-init, ha, Suki?

At ang pinakamatindi, Suki, ay ang ating kape­rahan o pananalapi. Ang tanong: Aling bangko ang hindi sinakop ng mga Tsino o may dugong Tsino, ang may-ari, ha?

Suki, matagal na tayong kubkob ng Tsina!