ANG MGA tao ay may iba’t ibang pananampalataya, iba’t ibang relihiyon. Ang bawat isa ay naninindigan na ang kanyang relihiyon ay ang siyang totoo. Sa mga Kristiyano pa lamang ay hindi mo na mabilang ang mga sekta o mga relihiyong pumapaimbulog sa buhay, kamatayan at muling pagka-buhay ng Panginoong Hesukristo. Ito nga, magpapasko na naman at ating inaalala at ipinagbubunyi ang kanyang paglakad sa daigdig mahigit dalawang libong taon na ang nakararaan.
Bukod sa Kristiyanismo nariyan din ang Judaism at Islam, maging ang Buddhism, Jainism, Hinduism at Sikhism. Sa ating bansa ay mayroon pang Rizalista at Philippine Independent Church. Maraming relihiyon na pinapasok ang mga tao na ang layunin ay ang mapalapit sa Maylikha.
Hindi natin tinatalakay ito ngayon sa ating munting pitak upang tuusin kung sino at hindi ang totoong relihiyon. Paano nating papansinin ang dumi sa mukha ng isa nating kapatid samantalang may mas malaking duming nasa ating mukha?
Ngunit ano nga ba ang silbi ng isang tao kung wala siyang pananampalataya? Ang sagot diyan ay wala. Walang silbi ang isang taong walang pananampalataya. Ang bawat isa sa atin ay nasa biyahe ng sariling pagkakakilanlang ispiritwal. Sa Kristiyanismo, kilalanin lamang si Kristo ay makikilala na rin ang sarili. Madaling sabihin ngunit napakahirap gawin, kaya nga may panalangin. Dasal upang makamit ang maka-Diyos na pang-unawa.
Saan nga ba nanggagaling ang pananampalataya? Sa katawan ba? Sa isip? Sa kaluluwa? Sa damdamin? Kakulangan ng pananampalataya kung kaya lumubog ang apostol na si Pedro nang tangkain niyang maglakad sa ibabaw ng tubig patungo kay Kristo noon.
Napakahiwaga ng pananampalataya, magagawa pala nito ang imposible. Ayon na rin sa Bibliya, kung ang isang tao ay may pananampalataya na sinlaki man lamang ng buto ng mustasa ay sapat na ito upang pagalawin ang bundok mula sa kinatatayuan nito.
Kung hindi nanggagaling lamang sa katawan, isip, kaluluwa o damdamin ang pananampalataya ay saan ba ito nagmumula? Ang pananampalataya ay nagmumula sa kabuuan ng pagkatao, ito ay mula sa katawan, isip, kaluluwa at damdamin. Kabuuan at hindi patse-patse. Ito ay hinihiling din sa Maykapal, ito ay biyaya para sa kabuuan ng isang pagkatao na dapat sana ay kapalaran ng bawat isa.
Comments are closed.