BUMUBUHOS na naman ang padala mula sa ibayong dagat ng dolyar, nag-release na naman ng 13th month pay at bonus ngunit alam naman nating marami sa ating kababayan ay ipambabayad lamang ito sa kani-kanilang mga pagkakautang.
Swak na swak nga sa bansa ang kultura ng pangungutang. Nandiyan ang ating mga suking ‘5-6’, mga credit cooperative, mga kamag-anakan at tropang handang magpautang, car loan, housing loan at credit card.
Sinusukat pa nga ang yaman ngayon sa credit line ng isang tao. Mentras mas malaki ang deposito mo sa bangko, mas lalong nagkakandarapa ang bangkong pautangin ka o alukin ka ng credit card.
May pag-aaral sa Estados Unidos na nasasaktan ang tao kapag cash ang kanyang ipinambibili, ngunit kung plastic (credit card) ang kanyang ginagamit sa pamimili ay walang kasakit-sakit.
Ang resulta ng pag-aaral na ito ang nag-udyok sa isang sikat na fast food chain sa Estados Unidos na tumanggap na ng credit card bilang kabayaran sa inoorder ng customer. Hindi nga sila nagkamali, mula US$3.75 na average cost per transaction, umabot ng US$7 ang average sales per transaction ng nasabing fastfood. Halos dumoble ang sales!
Ngayon ang lahat ng Filipino ay maaari nang magkakotse samantalang noon ay status symbol ‘yan. Sa halagang P50,000 o magkaminsan ay no down payment pa nga ay maiuuwi mo na ang nakursunadahang sasakyan.
Nasa bawat tahanan na sa bansa ang kultura ng pangungutang. Ito ay kultura ng bankruptcy. Pati emergency ay ipinangungutang. Handa nga sa pistahan ay ipinangungutang din!
Kaya naman huwag nang magtaka kung ang isang paraan ng paggrado natin sa ating pamahalaan ay kung nakababayad ba ito sa foreign loan ng bansa. Baon ang bansa sa utang, baon na rin ang bawat FIlipino sa utang na pambansa at personal na utang.
Kung paniniwalaan ang istatistika, nasa 1% lamang talaga ng populasyon ang nagkakamal ng yaman nang walang utang. Nararapat na ituro na rin sa mga paaralan ang pananalapi, lalo na sa elementarya, para habang bata pa ay magkaroon na sila ng tamang perspektiba sa pansariling pananalapi at pambansang ekonomiya.
Pihadong kapag natuto sa usaping pinansiyal ang mga Filipino, marami na ang magtataka kung bakit nagkakandarapa ang mga opisyal ng pamahalaan sa pangungutang sa iba’t ibang bansa. Kaya bagsak ang piso, dahil na rin sa utang na ‘yan. Subukang mabayaran lahat ng loan na ‘yan at makikita ninyo, ang piso ay magiging katumbas na ng dolyar.
Itong ugaling ito o parte ng ating kulturang ito ang dapat nang mabura sa mga henerasyon ng mga Filipino. Ang utang ang pinakalukratibong produkto ng mga bangko. Sige magpasok ka ng P10,000 halimbawa saan mang bangko. Magkainteres ka man ng 3% per annum sa iyong deposito sa pamamagitan ng time deposit, subukan mong humiram ng kaparehong halaga, ang singil ng kaparehong bangko sa iyo ay 14% per annum. Fair ba ‘yun?
Ang kultura ng pangungutang ay pagpapaalipin sa mga nagpapautang, bangko man, kaibigan o kamag-anak. Obserbahan mo.