ANG PANUKALA NI CONG. ERWIN TULFO AT ANG PAGBABALIK NI YORME KO-IS

SA panahon ngayon, muling ipinakita ng mga natural na kala­midad ang kanilang kapangyarihang ma­min­sala sa ating bansa.

Katatapos lang manalasa ng Bagyong #CarinaPH sa Kamaynilaan, na nagdulot ng malawakang pagbaha at naglantad sa marami sa atin sa panganib ng iba’t ibang sakit.

Dahil dito, nanawagan si ACT CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa Department of Health (DOH) na gawing libre ang gamot laban sa leptospirosis at tetanus.

Ayon kay Tulfo, alam naman ng lahat na ang Pilipinas ay madalas tamaan ng mga bagyo at iba pang natural na kalamidad. Sa tuwing dumadaan ang mga ito, hindi lamang ang pinsala at pagkawala ng ari-arian ang kinakaharap ng mga biktima kundi pati na rin ang mga pangmatagalang panganib sa kalusugan, tulad ng leptospirosis at tetanus.

Ang mga sakit na ito ay maaaring makuha mula sa kontaminadong tubig baha o mula sa mga sugat na dulot ng debris, kaya napakalaki ng banta nito sa mga nasalanta ng kalamidad.

Tama si Tulfo sa kanyang obserbasyon na mabilis tumugon ang pamahalaan sa pagbangon ng mga nasalanta, ngunit minsan ay nakakaligtaan ang agarang pangangaila­ngang medikal.

Sa halip na dagdagan pa ng problema kung saan kukunin ang pambili ng gamot, imi­numungkahi ni Tulfo na ilibre na ito ng pamahalaan sa pamamagitan ng Philhealth. Kung maisasakatuparan ang panukalang ito, tiyak na malaking tulong ito sa mga biktima ng kala­midad, na sa halip na mag-alala pa sa gastusin sa gamot, ay pagtutuunan na lamang ng pansin ang kanilang muling pagbangon.

Samantala, ang pulitika sa Maynila ay muling nagiging tampulan ng atensiyon dahil sa balitang posib­leng pagbabalik ni da­ting Manila Mayor Isko Moreno sa 2025 elections.

Habang patuloy ang usap-usapan sa social media, binibigyan naman ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ng sapat na panahon si Moreno upang pag-isipan ang kanyang mga plano.

Sa kanyang Facebook page, nagbahagi si Moreno ng isang video kung saan nananawagan ang mga taga-suporta sa kanyang pagbabalik.

Sinasabing sa inilagay niyang caption na “Laging may awa ang Diyos,” tila ipinakikita ni Moreno na bukas siya sa posibilidad ng muling paglilingkod bilang alkalde ng lungsod. Mahalaga ang papel na ginampanan ni Moreno noong siya ay alkalde mula 2019 hanggang 2022, kung saan kasama niya ang kanyang running mate na si Lacuna.

Ang kanilang tandem ay nagbigay ng maraming pagbabago at inisyatiba sa lungsod na nagdala ng benepisyo sa mga Manilenyo. Ang posibleng pagbabalik ni Isko sa pulitika ay isang oportunidad para sa mas masiglang demokrasya at pagkakaisa sa Maynila.

Nawa’y magpatuloy ang magandang samahan at kooperas­yon sa pagitan ng mga lider ng lungsod upang makamit ang tunay na progreso at pag-unlad.