ANG akala ng ilan, kapag naging Kristiyano ang isang tao, siya ay maghihirap dahil puro lang paglilingkod sa Diyos ang kanyang aatupagin. Mali ang kanilang pagkakaintindi. Katunayan, kung susundin ng isang tao ang mga prinsipyo ng Panginoon, imposibleng manatili siyang mahirap. Kapag siya ay tumanggap sa Panginoon, babaguhin ng Diyos ang kanyang buhay. Ang sabi nga ng Kasulatan, “Kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang.Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito’y napalitan na ng bago.” (2 Corinto 5:17) Magbabago ang kanyang masamang pag-uugali. Isa-isang mawawala ang kanyang mga bisyo.
Dahil sa turo ng Diyos na ang ating katawan ay templo ng Banal na Espiritu, magkakaraoon siya ng pagkamuhi sa mga bagay na sumisira sa katawan, gaya ng sigarilyo, alak, droga o masamang pagkain. Matatanggal din mula sa kanya ang pagsusugal, pambababae, katamaran, at lahat ng mga walang kabuluhang gawain. ‘Pag nagbasa siya ng Bibliya, matututuhan niyang maging masipag. Nanaisin niyang magtrabaho nang mabuti. Matututo siyang mag-ipon at mamuhunan nang matalino ng kanyang kaperahan. Dahan-dahan siyang makaaalpas mula sa kahirapan.
Nanaisin niyang maging isang tulad ng matabang lupa na nagbubunga ng marami. Ang turo ni Jesus, kapag tinanggap ng isang tao ang Salita ng Diyos, magbubunga ito ng makatatlumpu, makaanimnapu o makaisang daang beses. Gagamitin ng isang tagasunod ni Cristo ang mga aral na ito hindi lang sa paghahayag ng Salita ng Diyos, kundi pati sa pamumuhunan nang matalino ng kanyang pananalapi. Dahil kinikilala niyang hindi siya ang tunay na may-ari ng kanyang pera, kundi ito ay pinahiram lamang ng Diyos sa kanya, magiging maingat siya sa paggastos at pamumuhunan ng kanyang pera. Alam niya na sa turo ni Jesus, pinagalitan ang isang lingkod na nagpatulog lang ng kanyang pera, at pinuri ang isang nagnegosyo at nagparami ng puhunan. Kaya, ang mananampalataya ay mag-iingat na, ang kanyang puhunan ay hindi mapapariwara, kundi ito’y darami. Hindi niya basta-basta isusugal ang pera ng Diyos. Hindi niya ilalagay sa mga investment na kuwestiyonable o peligroso. Tatakasan niya ang mga manloloko. Hindi siya magagahaman sa pera; hindi siya magmamadaling yumaman. Gugustuhin niyang dahan-dahan lang subalit tiyak at matiyaga ang kanyang pamumuhunan. Gagamitan niya ng karunungan ang kanyang pangangasiwa sa kanyang kaperahan.
Ang mga ‘di sumusunod sa Diyos ay hindi maingat sa kanilang kaperahan. Ang ugali ng ilan sa kanila ay, “Ubos-ubos biyaya, pagkatapos ay nakatunganga.” Tinatawag din silang mga ‘one day millionaire’. Pagkasuweldong-pagkasuweldo nila, gagastusin nila agad-agad ang kanilang kita. Bahala na ang bukas. Dahil iniisip nilang sila ang may-ari ng kanilang pera, hindi sila maingat sa paggamit nito. Marami ay nagbibisyo at nalalagay sa walang kabuluhang gawain; at maaaring magbunga ito ng mga sakit sa katawan. Kung magnenegosyo man ang ilan sa kanila, sila ay nagmamadaling yumaman. Kaya madalas, nahuhulog ang marami sa kamay ng mga manloloko o kaya ay sa negosyong malaki ang risgo. Naaakit sila sa mga pangakong malaking kita o tubo, subalit hindi nila nakikita ang malaking peligrong nakatali sa kanilang puhunan. ‘Pag itinakbo na ang kanilang pera, o kaya ay bumagsak na ang mga negosyo nilang malaki ng risgo, saka sila magsisisi.
May mga tao sa mundo – kung hindi tamad ay sobra namang gahaman. Ang tamad ay ayaw magtrabaho; gusto lang manlimos, manghingi o mangutang mula sa mga taong may ipon. At walang katiyakang magbabayad ang marami sa kanila. Sa kabilang dako naman, may mga taong dahil sa panggigigil yumaman, ay wala namang pahinga sa pagtatrabaho o pagnenegosyo. Kulang na lang ay sambahin nila ang kanilang negosyo o pera. Puro kayod ang kanilang ginagawa. Maaaring mahulog sila sa matinding balisa. Maaaring maraming takot, alinlangan o pangamba ang kumakain sa kanilang kalooban, kaya wala silang kapayapaan at kasiyahan. Para silang mga aalipin ng pagyaman, at mapupunta lang sa ibang tao ang kanilang pinaghirapan.
Tandaan: sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isanglibo.
Comments are closed.