ANG PARAAN NG DIYOS AY PAG-IIPONG MAY PAGPIPIGIL

Heto Yumayaman

“SA PAGHAHANGAD ng kagitna, isang salop ang nawala.”  Ito ang isang matalinong salawikaing Filipino.  Tinutukoy nito ang ilang tao na walang kakontentuhan.  Dahil sa kanilang sobra-sobrang paghahangad, lalo lang silang nawalan.  Ganito ang nangyayari sa ilang mga taong mababasa natin sa balita.  Sobra ang pagkagahaman nila sa pera.  Nang makapagnakaw na ng isang milyon piso, hindi pa rin nakontento.  Nag­hangad pa ng mas mara­mi.  Nang maabot na ang dalawang milyong pisong nakaw, hindi pa rin nakontento.  Umabot na sa isang bilyon ang nananakaw, hindi pa rin nakontento.  Nang magdalawang bilyon, hindi pa rin sapat iyon sa kanila.  Umabot pa ng limang bilyon.  Sige pa rin.  Nang umabot na sa 10 bilyong piso ang nananakaw, nagsumbong ang pamangking kasabwat sa krimen at nabisto ang kanilang masamang gawain.  Nakulong ang punong magnanakaw at binawi ang lahat ng kanilang ninakaw.  Bakit ganyan ang tao, sobrang swapang?  Bakit wala silang kakontentuhan?  Ito’y dahil makasalanan ang tao.  Siya ay ‘totally depraved’ o lubos-lubos ang pagkasira ng kanyang pagkatao.  Kaila­ngan niya talaga ng Tagapagligtas.

Ang maraming tao, kung hindi tamad ay swapang; kung hindi swapang ay tamad.  Kapuwa katamaran at pagkagahaman ay hindi kalooban ng Diyos.  Kapag tamad, walang palad.  Katamaran ay kapatid ng kagutuman.  Ang pag­kagahaman naman ay karugtong ng mara­ming krimen at masasa-mang gawain na nakapipinsala sa kapuwa tao at lipunan.  Kaya nagbabala ang ­Panginoon sa atin sa Bibliya na huwag maging mapagkamkam.  May kakabit itong kaparusahan.

Ang pinahihintulot ng Panginoon ay pagtitipid at pag-iipon para may magagamit tayo sa panahon ng pangangailangan sa kinabukasan. Inilagay sa Bibliya ang kuwento tungkol kay Jose na anak ni Jacob bilang halimbawa na maaari nating gayahin.  Lahat ng pangasiwaan ni Jose ay pinagpapala ng Diyos dahil sa kanyang tumpak na pananaw sa kaperahan. Hindi tayo ang may-ari ng anumang bagay na mayroon tayo.  Tayo ay mga katiwala lamang ng Diyos.         Mananagot tayo sa Diyos sa paraang ng ating panga­ngasiwa.  Kung tayo ay tapat, tayo ay pagpapalain at pamamahalain sa mas marami.  Kung tayo ay mandaraya, tayo ay parurusahan at tatanggalin sa atin ang mga ari-arian at posisyong pinahiram sa atin.

Una, nagtrabaho si Jose sa family business nila.  Siya lang ang tapat.  Ang kanyang mga nakatatandang kapatid ay mga mandaraya.  Kaya tuloy, ibig ng kanilang ama na si Jose ang maging pinuno ng kanilang family business. Lubos-lubos ang pagtitiwala ng amang si Jacob sa anak niyang si Jose.  Sa kalaunan ay natupad nga, si Jose ang na­ging pinuno ng lahat niyang mga kapatid.

Pangalawa, nagtrabaho si Jose sa ilalim ni Potiphar, isang pinunong Ehipcio.  Nang si Jose ang maging tagapamahala, umunlad ang lahat ng tinatangkilik ni Potiphar.  Yumanan siya nang yu­maman.  Dahil ito sa hindi nangungupit si Jose.  Lahat ng bagay ay inilagay niya sa tamang ayos.  Walang mga kickback na nangyari.  Walang sabwatang nangyari sa mga suking mamimili. Napuno ang bodega ni Potiphar.  Lumawak ang kanyang lupain.  Dumami pa ang lahat niyang ari-arian. Lumaki pa lalo ang kanyang negosyo.  Kontento si Jose sa kanyang posisyon at suweldo.  Hindi niya pinag-imbutan ang anumang ari-arian ng kanyang boss.

Pangatlo, naging Punong Ministro ng Ehipto si Jose.  Nanagot lang siya sa hari.  Ang ginawa ni Jose ay nagpairal siya ng Nationwide Savings Program sa buong bansa sa panahon ng pitong taon ng kasaganaan.  Nagpatayo siya ng mga bodega para tipunin ang mga labis-labis na ani ng buong bansa.  Wala dapat masasayang.  Pagdating ng pitong taon ng tagtuyot, walang maitanim at maani ang mga mamamayan.  Nagutom sila.  Lumapit sila sa hari para humingi ng saklolo.  Itinuro ng hari kay Jose ang mga tao.  Ipinagbili ni Jose ang mga binhing inipon niya.  Naligtas ang taumbayan.  Ang lahat ng mga bansa sa mundo ay dumanas din ng taggutom.  Bumili sila ng pagkain mula kay Jose.  Dahil dito ay naging pinakadakila at pinakamayamang bansa ang Ehipto sa panahon ni Jose.  Ito ang layunin ng pag-iipon.  Ito ang magliligtas sa atin mula sa gutom sa panahon ng taghirap.

Tandaan: Sa kaka­singko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakakaisang libo.

Comments are closed.